335 total views
Nanawagan sa mga kabataan ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) upang imulat ang kamalayan at makibahagi sa usapin ng karapatang pantao sa bansa.
Ayon kay TFDP Co-Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm, dapat na maging bukas ang kamalayan ng bawat mamamayan partikular na ang mga kabataan sa lumalalang problema ng karapatang pantao sa bansa.
Iginiit ng Pari na mahalagang makisangkot ang bawat isa lalo na ang mga kabataan upang mas mabigyang proyoridad ang pagbibigay halaga at proteksyon sa karapatang pantao ng bawat nilalang.
“Ang human rights na usapin ay hindi dapat siya optional, para itong climate justice we are in a human rights crisis all over the world so tinatawagan ko I am inviting I am appealing to all the people especially to the young people to be conscious and be aware and be involve when it comes to human rights work, get involve…” pahayag ni Father Buenafe sa panayam ng Radyo Veritas.
Naunang tiniyak ng Pari ang patuloy na pagsusulong sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP).
Read: Pagbabalewala sa right to life, malaking hamon sa TFDP
Sa kasalukuyan bukod sa pagtulong sa mga political prisoners sa bansa ay aktibo rin ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) sa pagsusulong sa karapatang pantao ng mga manggagawa, mag-aaral, maralita at mga mamamayang naaabuso partikular na sa war on drugs ng kasalukuyang administrasyon.
Ngayong taon, ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika ang Year of the Youth bilang bahagi ng siyam na taong paghahanda ng Simbahan para sa ika-500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas.