413 total views
May 17, 2020, 9:37AM
Kinilala ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang desisyon ng pamahalaan na payagan ang mga religious gatherings sa mga lugar na isinailalim sa modified enhanced community quarantine at general community quarantine.
Subalit dismayado ang obispo sa kawalang sapat na konsultasyon ng Inter Agency Tasks Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) kaugnay sa gawaing pangsimbahan.
Batay sa Section 2 No. 9 ng guidelines na inilabas ng I-A-T-F sa lugar na umiiral ang MECQ tulad ng National Capital Region, pinapayagan ang pagsasagawa ng mga gawaing simbahan ngunit limitado lamang sa limang katao.
“Welcome in a sense na pinapayagan na [religious gatherings] but unwelcoming na ang kanilang limitasyon ay impractical,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Pinuna ni Bishop Pabillo ang desisyon lalo’t sa mga tanggapan at iba pang institusyon ay pinapayagan ng pamahalaan ang halos kalahati sa kanilang work force tulad ng mga pabrika ngunit ang mga simbahan na malalawak ang lugar ay nililimitahan sa lima at sampung katao lamang.
Aniya, hindi praktikal at hindi makatotohanan ang bilang na iminungkahi ng I-A-T-F kayat dapat nila itong suriin at irekonsidera.
“Gumagawa sila ng desisyon na hindi kinokonsulta ang people at sector concerned,” ani ni Bishop Pabillo.
Magugunitang nagsumite ang arkidiyosesis ng panuntunan sa I-A-T-F sa pamamagitan ng Department of Health dalawang linggo ang nakalipas ngunit walang natanggap na feedback.
Dagdag ni Bishop Pabillo mas magandang magbigay ang I-A-T-F ng alituntunin tulad ng pagpapatupad ng isa o dalawang metrong pagitan ng mga magsisimba sa loob ng simbahan.
Ika – 15 ng Mayo nagtapos ang enhanced community quarantine kasabay ng pagpatupad ng general community quarantine sa buong bansa maliban sa National Capital Region, Laguna at Cebu na isinailalim sa MECQ dahil sa naitalang mataas na kaso ng COVID 19.