385 total views
Nag-alay ng Banal na Misa ang pamunuan ng Radyo Veritas sa burol ni social justice advocate Sr. Crescencia Lucero, SFIC, sa St.Joseph College sa pangunguna ni Rev. Fr. Roy Bellen, Vice President for Operations ng Radio Veritas846.
Sa pagninilay ng pari, sinabi nito na hindi nakikita ang halaga ng buhay ng isang tao sa haba o ikli ng kanyang pananatili sa mundo.
Bagkus, ang pagsasabuhay ng dakilang utos ng Panginoon na pag-ibig sa kapwa ang siyang nagiging batayan kung naging mabunga ang pamumuhay ng isang tao sa daigdig.
“Hindi lang ito basta basta pahabaan. Ikaw ba ay nagmamahal? Ikaw ba ay sumusunod sa halimbawa, kautusan, at paggabay ng Panginoon?” pagninilay ni Fr. Bellen.
Ayon kay Fr. Bellen, ang pagpanaw ni Sr. Lucero bagamat nakalulungkot, ay dapat pa ring ipagpasalamat dahil naging malaking bahagi si Sr. Lucero ng buhay ng maraming tao.
Sinabi ng Pari na malaking biyaya ang mga nagawa ng madre, hindi lamang sa kanyang kongregasyon at sa simbahan, kungdi sa buong Pilipinas.
Hindi na matatawaran ang ambag ni Sr. Lucero sa lipunan lalo na sa mga larangan ng pagtatanggol sa karapatang pantao, sa pagtulong sa mga nangangailangan at sa pagtataguyod ng sangnilikha.
“This is actually a day of, in a way, thanks giving. Thru her the Lord touched each of us in different ways. For her, it is love of country, love of fellow humanity, love of fellow Filipino… We are pretty much sure Sr. Cres have lived a full life, serving, helping and loving her fellow man.” Dagdag pa ni Fr. Bellen.
Si Sr. Lucero, 77 taong gulang, kabilang sa kongregasyon ng Franciscan Sisters of the Immaculate Conception, ay pumanaw sa Jakarta, Indonesia noong ika-15 ng Mayo, matapos itong ma-stroke at magkaroon ng cerebral hemorrhage.
Ilan sa mga samahang kanyang kinabibilangan ay ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines’ Justice, Peace and Integrity of Creation; Philippine Alliance of Human Rights Advocates; Ecological Justice for Interfaith Movement; at Task Force Detainees of the Philippines kung saan ito nagsilbing Chairperson of the Board.
Sa nakaraang ika-50 anibersaryo ng Radio Veritas ay ginawaran ng himpilan ng katotohanan si Sr.Cres ng parangal sa matapang nitong pakikipaglaban sa karapatang pantao na binalewala ng diktaduryang Marcos.