173 total views
Magandang handog para sa Mahal na Ina ang pagtatapos ng San Juan City ‘drug surrenderers’ kasabay ng ika-100 taon pagdiriwang ng huling pagpapakita ng mahal na birheng Maria sa Portugal.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo isa sa panawagan ng Mahal na Birhen ay ang pagbabagong loob at pagwawaksi ng kasalanan.
“Ating layunin ay walang iba kundi pagbabago. Hindi hindi ba iyan ang panawagan ng Mahal na Ina –pagbabago rin. Tulad nang narinig natin sa ebanghelyo sinabi ni Hesus ang mahalaga ay pakikinig sa salita ng Diyos at pagsasabuhay nito. Siguro naman sa loob ng 6 na buwan ay nakinig naman kayo. Pero kailangan nating itong isagawa, hindi lang sa 6 na buwan kundi sa mga susunod pang mga buwan ,” bahagi ng homiliya ni Bishop Pabillo.
Ang Thanksgiving Mass para sa pagtatapos ng mga drug dependent ay isinagawa sa Santo Cristo Parish sa San Juan kung saan nag-concelebrate din sa misa sina Fr. Bobby Dela Cruz ng Sanlakbay Priest Minister; Msgr. Nestor Cervo at Msgr. Bong Lo.
Hinikayat din ng obispo ang 80 drug surrenderers na nagsitapos sa 6-month drug rehabilation program ng “Sanlakbay Sa Pagbabago ng Buhay” na hikayatin din ang iba nilang mga kakilala na alipin ng masamang bisyo na sumailalim din sa programa para sa pagbabagong buhay.
“At alam nyo na hindi lamang kayo ang nalulong sa problema ng ilegal na droga. Meron pang iba, . may kakilala pa kayo. Kaya kayo na ang mag-anyaya. Sana hindi ito ang katapusan, tuloy tuloy ang programang ito.”
Bukod sa mga recovered drug addicts kabilang din sa dumalo sina sa pagdiriwang sina San Juan Mayor Guia Gomez, Vice Mayor Janella Ejercito; at ang San Juan City Police na pinamamahalaan ni PSupt Lawrence Coop.
Isa isa ring tinanggap nga nagsipagtapos ang kanilang certificate o katibayan ng kanilang pagbabagong buhay.
Pinaalahanan din ni Bishop Pabillo ang bawat isa na maging matibay sa kanilang pananampalataya upang hindi na mabuyo sa kasamaan.
“Palakasin natin ang mga mag-asawa at pamilya. At iyan din ang hinihingi ng Mahal na Ina. At ang isang magandang sandata para mapag-isa ang pamilya ay ang Santo Rosaryo, ang pagdarasal sa bahay kasama ang buong pamilya,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ang Sanlakbay ay church initiative community based drug rehabilitation center ng Archdiocese of Manila katuwang ang Department of Health, Department of the Interior and Local Government at lokal na pamahalaan na ang layunin ay tulungan na maging kapakinakinabang na mamamayan sa lipunan ang mga nalulong sa ilegal na droga na nais na magbago.
Ang Arkidiyosesis ng Manila ay may kabuuang 94 na parokya, kung saan may 12 parokya na ang nagbukas ng community based rehabilitation, habang 16 pang mga parokya ang inaasahang magbubukas ngayong taon.
Itinakda naman sa October 21 ang unang taong pagdiriwang ng Sanlakbay na isasagawa sa San Agustin Church kung saan panungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang misa pasasalamat.