260 total views
Ibinahagi ng pinunong pastol ng Diyosesis ng Balanga na patuloy kumilos ang Simbahang Katolika upang abutin ang mga dukha sa lipunan.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, tahimik na gumagawa ang Simbahan ng mga hakbang para tugunan ang kahirapan at kawalang oportunidad ng mamamayan.
“The Church cares and compassionate. She works in silent and sincerely, without fanfare and publicity,” ang pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo ito ay pagpapatunay na hindi tinalikuran ng Simbahan ang mga nangangailangang mamamayan kundi nilingap at binigyang tugon ang mga salat sa buhay.
Ito rin ay handog ng Simbahan at pagkilala sa kabutihang loob ng mga mananampalataya na nagbabahagi ng mga biyaya sa pamamagitan ng pag-aalay tuwing magdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Nilinaw ni Bishop Santos na ang handog sa Misa tulad ng mga prutas ay pinagsasaluhan at ibinabahagi sa mga naglilingkod sa Simbahan.
Iginiit ng pinuno ng Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na dapat makita ng mamamayan ang mga hakbang ng Simbahan sa pagtugon ng suliranin sa pamayanan tulad ng usapin sa edukasyon at pagkakakitaan.
“They must see and know that the Church offers scholarships, gives school supplies, shares slippers to the children, provides livelihood programs and projects for her flock,” ani ni Bishop Santos.
Bukod dito naglalaan ng pondo ang Diyosesis para sa mga nabanggit na programa ng Simbahan na makatulong sa pagtataguyod at ikaaangat ng antas ng pamumuhay ng bawat mananampalataya sa komunidad.
Binigyang diin ni Bishop Santos na sa kabila ng pagiging hindi karapat-dapat ng mga Obispo at mga Pari ay sinisikap nitong maging mabuting pastol sa mga tupa na inihabilin ng Panginoong Hesus sa kanilang hanay bilang kaisa sa misyon ng Simbahan.
Si Bishop Santos ay aktibong nangangasiwa sa Diyosesis ng Balanga na may halos 600, 000 ang populasyon ng mga Katoliko.
Isa lamang ito sa maraming proyekto ng Simbahang Katolika sa bansa na nagbibigay ng konkretong tugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na ang sektor ng mga maralita.