1,537 total views
Tiniyak ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na mananatiling mahalagang disiplina sa mga lingkod ng simbahan ang celibacy.
Sa pastoral visit ng nuncio sa programang Barangay Simbayanan ng Radio Veritas 846, pinawi nito ang agam-agam ng ilang mananampalataya hinggil sa pag-apruba ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Permanent Diaconate na pinangangambahang magiging daan para pahintulutang magkaroon ng asawa ang mga pari.
“The Church will never abandon celibacy; you should not be afraid of that because celibacy of the priesthood is absolutely integral to the church’s discipline,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.
Ayon kay Archbishop Brown bagamat pinahihintulutan ang mga may asawa sa permanent diaconate hindi ito nangangahulugang magbabago ang pananaw at turo ng simbahan hinggil sa celibacy ng mga pari at binigyang diin na dadaan sa masusing proseso at konsultasyon sa mga maybahay ang mga may asawang nagnanais maglingkod sa simbahan bilang permanent deacon.
Paliwanag ng nuncio na ang permanent diaconate ay hindi bagong ideya kundi bahagi ito ng simbahang katolika at dumadaan din sa mga paghuhubog at mga pag-aaral ang sinumang nagnanais maging permanent deacon.
“Permanent Diaconate is not an innovation. It’s always part of the church’s life,” saad ng nuncio.
Matatandaang September 2023 nang aprubahan ni Pope Francis ang kahilingan ng CBCP na magkaroon ng permanent diaconate sa Pilipinas habang nitong nagdaang 129th plenary assembly ng mga obispo ay inaprubahan ang Ratio for Permanent Deacon na magsisilbing gabay sa pagpapatupad nito sa bansa.
Kabilang sa isinasaad sa Ratio na hindi obligado ang simbahan o ang mga diyosesis na bigyan ng sahod ang mga permanent deacons kaya kabilang sa mga dapat isaalang-alang ng mga nagnanais maglingkod sa bokasyon ay ang pagiging economically stable na makasasapat suportahan ang sariling pangangailangan.
Sinabi naman ni Archbishop Brown na matapos maaprubahan ng CBCP ang Ratio ay ipapadala ito sa Vatican para sa pormal na pag-apruba ng santo papa.
“The bishops have approved the Ratio, so it’s going to Rome for the ‘Recognitio,’ giving a stamp approval to it, and then it will be implemented here in the Philippines. I would expect that the ‘Recognitio’ will come quickly,” ayon pa kay Archbishop Brown.
Kabilang sa mga gawain ng permanent deacon ang pagpapahayag ng Ebanghelyo, homiliya sa mga banal na misa, paggawad ng sakramento ng binyag, pagdadala ng banal na komunyon sa mga may karamdaman, paggawad ng sakramento ng kasal (kung pahihintulutan ng obispo) at pakikinahagi sa mga kawanggawa at pastoral ministry ng kristiyanong pamayanan.