425 total views
Walang sinuman ang may karapatang kumitil ng buhay maging ng mga kriminal at nagkasala sa batas ng tao.
Ito ang muling binigyang diin ni Diocese of Sorsogon Bishop Arturo Bastes – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Mission sa patuloy na pagtaas ng kaso ng “extra-judicial killings o EJK sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga sa bansa kabilang na ang pagpatay kay Albuera Leyte mayor Rolando Espinosa sa kanyng selda sa Baybay City Provincial Jail.
Ipinaalala ng Obispo ang ika-anim sa 10 Utos ng Diyos na “Huwag Papatay” ay absolute at walang karapatan ang sinuman na pumatay ng kapwa.
“Especially in Extra Judicial Killing that is really taking place and then for us the law of God ‘Thou shall not kill’ is really absolute, no human being has the right ever to kill anybody even if it’s a hard hit criminal,” pahayag ni Bishop Arturo Bastes sa panayam sa Radio Veritas.
Una ng binigyang diin ng Commission on Human Rights na maaring ituring na kabilang sa mga kaso ng Extra Judicial Killings ang pagkamatay ng sumukong alkalde sa loob ng kulungan sa kamay ng mga kawani ng PNP-CIDG Region 8.
Kabilang ang pangalan ni Mayor Espinosa sa mahigit 150 indibidwal na isinapubliko ni Pangulong Duterte na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga sa buong bansa, kung saan 54 sa mga ito ang mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Ikinadismaya ng Obispo ang pagpatay sa alkalde na sinasabing malaking asset sa drug operations ng anak na si Kerwin Espinosa na sinasabing druglord sa Eastern Visayas at inaasahang magtuturo sa mga opisyal ng pamahalaan at mga kawani ng P-N-P na sangkot sa iligal na gawain.
Sa pinakahuling tala ng PNP, umaabot na sa 4,000 drug users at pushers ang nasawi sa kampanya kontra iligal na droga habang tinatayang 750,000 katao ang sumuko at mahigit sa 3-milyong bahay sa buong bansa ang na-Oplang Tokhang ng mga otoridad.