291 total views
Hinimok ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang mga mananampalataya na iwaksi ang kultura na pagiging maaksaya.
Ayon sa Arsobispo, dapat simulan ngayon na ng bawat isa ang pagtanggap sa hamon ng Santo Papa na alisin ang Throw away culture.
“Sa mga pagkakataong we will not be able to avoid yung waste, waste of energy, waste ng mga basura na pwede namang irecycle, waste ng ating panahon waste ng ating kaalaman, iwasan natin yun.” Pahayag ni Abp. Arguelles sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag pa ni Abp. Arguelles na upang mawakasan ang Throw away culture, kinakailangang baguhin ang ugat nito na pagiging makasarili.
“Ang pinaka dahilan kung bakit may waste ay yung ating pagiging makasarili. Let us change our mentality and our culture, maging [isa] itong kultura ng saving everything for the glory of God and for the good of humanity.” Dagdag pa ng Arsobispo.
Giit ni Abp. Arguelles, ang pagpapahalaga sa kalikasan ay hindi lamang dapat ipinapakita sa paggunita ng Earth Day, bagkus dapat itong ipamalas sa pangaraw-araw na pamumuhay.
Kaugnay dito una nang inanyayahan ni Pope Francis sa Laudato si, ang bawat indibidual na makibahagi at maging instrumento ng Panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating sariling kultura, karanasan, at talento.