15,229 total views
Tiniyak ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang pagsasakatuparan sa mandato bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni PPCRV Media and Communications Director Ana De Villa Singson sa puspusang paghahanda ng PPCRV sa nalalapit na 2025 Midterm Elections.
Inihayag ni Singson na kabilang sa pagtutuunan ng PPCRV ang paghuhubog ng mga model Filipino o mamamayang maka-bayan, maka-Diyos at matapat na katangiang dapat ding taglayin at hanapin ng mga botante sa mga ihahalal na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Singson, hindi lamang sapat na turuan ang mga botante na pumili ng karapat-dapat na mga kandidato sa halip ay dapat din nilang taglay ng mga botante ang mga mabubuting katangiang hinahanap sa mga lingkod bayan.
“Napag-isipan namin ang voters kung tinuturuan lang namin kung paano pumili ng kandidato that only happens every 3-years so sayang naman yung mga years in between. Not only that, napapansin namin yung mga voters it’s very hard for them, for you to tell them to choose somebody who is honest, somebody who is maka-bayan, somebody who is maka-Diyos kung wala silang karakter na ganun mismo. So, to be able to vote wisely we have to be the best possible citizen that you can be, you have to be a model Filipino.” Bahagi ng pahayag ni Singson sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Singson, kung taglay ng bawat Pilipino ang mabubuting katangian bilang isang indibidwal ay mas madali ring kilatisin ng mga botante ang mga katangiang ito sa mga kandidato.
Sinabi ni Singson na mahalagang muling pagtuunan ng pansin ang values formation na tila unti-unting nawawala sa lipunan.
“We are hoping to form model Filipinos because if we have model Filipinos hahanapin din nila ang mga model na mga characteristics sa mga lider na iboboto nila, so the hope and the prayer is that a model Pilipino will be a model voter and because of that hopefully we can vote in model leadership also. Matagal po ito, hindi po ito mabilis but importante pong pagtuunan ng pansin and values formation kasi nawala na eh, parang nawala na sa eskwela at saka ang dami ng mga kagawiang nangyari na medyo nawawala na po ang values, so we want to put it back po itong values.” Ayon kay Singson.
Kaugnay nito, ilulunsad ng PPCRV ang TIBOK PINOY na magsisilbing values development program ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting para sa papalapit na halalan sa bansa.
Nakatakda ang paglulunsad ng TIBOK PINOY sa ika-10 ng Setyembre, 2024 ganap na alas-3 ng hapon sa Dusit Thani Hotel sa Makati.
Matatandaang Obtubre taong 1991 ng opisyal na ilunsad ang PPCRV bilang isang independent, non-profit at non-partisan organization na may mahigit sa 700,000 volunteers mula sa may 86 na diyosesis sa buong bansa.