36,421 total views
Mga Kapanalig, ngayong Nobyembre 25, ipinagdiriwang ang International Day to Eliminate Violence Against Women. Ginugunita ito sa Pilipinas sa bisa ng Republic Act No. 10398. Sa araw na ito, maging mas maláy sana tayo sa pamamayagpag ng iba’t ibang porma ng karahasan laban sa kababaihan.
Maraming uri ang violence against women. Ilan sa mga ito ay domestic violence o karahasang nangyayari sa tahanan. Nariyan din ang sexual harassment at sexual abuse. Biktima rin ang mga babae ng panggagahasa o rape, kahit sa kamay ng kanilang mister. Sa pag-aaral ng UN Women, isa sa bawat tatlong babae sa buong mundo ang nakaranas na ng karahasan. Ayon naman sa Philippine Statistics Authority, halos 20% o isa sa bawat limang Pilipina ang nakararanas ng pisikal, sekswal, o emosyonal na karahasan sa kanilang asawa o nobyo. Noong 2023 lang, naitala ang hindi bababa sa 8,000 na kasong isinampa sa mga lumabag sa RA 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children (o VAWC) Act. Lahat ng mga karahasang ito ay pagtapak sa karapatang pantao at likas na dignidad ng kababaihan.
May mga batas tayong lumalaban sa mga pang-aabuso at karahasan laban sa kababaihan. Ilan sa mga ito ay ang nabanggit na nating RA 9262; ang RA 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995; ang RA 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997; at ang RA 11313 o ang Safe Spaces Act.
Sa kabila ng mga ito, hamon pa rin ang pagtigil sa karahasan laban sa kababaihan. Matindi at madalas pa rin ang mga porma ng karahasang nararanasan ng mga babae. Hindi natin maipagkakailang kahit na sinasabing likas tayong mapagmahal sa ating pamilya, lalo na sa mga nanay o kapatid na babae, may mga nakasanayan tayo sa ating kultura na nagpapababa ng ating pagtingin sa mga babae. Madalas ang pagtingin natin sa mga babae ay sexualized o tila mga taong itinuturing lang na pampalipas-oras o libangan lamang. Minsan pa nga ay natutuwa tayo sa mga green o rape jokes, na hindi naman dapat ginagawang biro dahil karumal-dumal ang panggagahasa. Rape is not a joke, ‘ika nga. May pagtingin ding ang mga babae ay pantahanan lamang, mga maybahay lang na nagluluto, naglilinis, o nag-aalaga ng mga anak.
Ngunit ayon kay St. Pope John Paul II, mas mauunawaan natin ang mayamang dignidad ng kababaihan sa pamamagitan ng kanilang pagkababae, at ang pagkababaeng ito ay nakaugat sa pag-ibig. Wika niya, “A woman’s dignity is closely connected with the love which she receives by the very reason of her femininity; it is likewise connected with the love which she gives in return.” Dagdag niya, ang kababaihan ay malalakas at natatangi dahil sa kanila ipinagkatiwala ng Diyos ang bawat tao upang palaguin at alagaan. Sa mga salitang ito, patuloy na kinikilala ng Simbahan ang ganda at husay ng ating kababaihan, kaya nararapat lamang silang iligtas at ilayo sa anumang uri ng pang-aabuso.
Magagawa natin ito sa mga simpleng paraan. Kilalanin natin ang kanilang mga kakayahan. Itaguyod natin ang kanilang mga karapatang maging ligtas sa mga pampublikong lugar. Gawin nating dalisay ang pakikipagkaibigan sa kanila. Makipagtulungan tayo sa pamahalaan at mga women’s rights groups na magpalaganap ng impormasyon tungkol sa mga krimeng maituturing na VAWC upang mahikayat ang mga babaeng naabuso na humingi ng katarungan.
Mga Kapanalig, sa ating pagdiriwang ngayon ng International Day to Eliminate Violence Against Women, alalahanin natin ang paalala sa Efeso 5:11: “Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti.” Gawain ng kadiliman ang pagiging malupit sa mga babae at mababang pagturing sa kanila. Tigilan na natin ang karahasan sa kababaihan!
Sumainyo ang katotohanan.