825 total views
Abra,Philippines– Pinayuhan ng Catholic Bishop Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth ang mga kabataan na iwasan muna ang paggamit ng social media bilang bahagi ng pagtitika ngayong banal na panahon ng kuwaresma(Cuaresma).
Ayon kay CBCP-ECY chairman Abra Bishop Leopoldo Jaucian, isang paanyaya ito sa mga kabataan upang maiwasan na mapalapit sa tukso ng kasalanan at maging responsable sa paggamit ng social media na naaangkop dapat sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Panginoon.
Iginiit pa ni Bishop Jaucian na mahalagang putulin muna ang paggamit ng mga gadgets na siyang nagiging hadlang upang lubusang makapagbalik loob sa Diyos at maging ganap ang pagsasakripisyo gayundin ang pagkakawang – gawa sa kapwang nangangailangan sa apatnapung araw ng kuwaresma.
“Lalong – lalo na sa mga kabataan itong panahon ng Kuwaresma, ang mahalaga ay pagbabalik loob natin sa Diyos sa pamamagitan ng pag – aayuno sa mga bagay – bagay na kung minsan napapalayo tayo sa Diyos lalo na sa hindi wastong paggamit ng social media. Ito yung pagkakataon mga kapatid lalong – lalo na ang mga kabataan na bawas – bawasan at bigyan ng pansin ang ating relasyon sa Panginoong itong apatnapung araw.”paalala ni Bishop Jaucian sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid naman na anim sa sampung kabataang Filipino o katumbas ng 78 porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga ito na may edad 15 hanggang 24-taong gulang ang may pinakamaraming oras na iginugugol sa paggamit ng social networking sites.
Samantala, nagsasagawa na rin ng ilang mga recollections at retreats ang ilang mga paaralan upang magabayan at mahubog ang buhay espirituwal ng mga estudyante.(Romeo Ojero)