1,774 total views
Ang Mabuting Balita, 05 Disyembre 2023 – Lucas 10: 21-24
TIPUNIN TAYO
Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit ay lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayon ang ikinalulugod mo. Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”
Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”
————
Si Jesus ba ay napuspos ng galak sapagkat inihayag ng Ama ang kanyang sarili sa mga alagad na pinili niya, na mga simpleng tao lamang? Marahil. Ngunit higit pa rito, inihayag ng Ama ang sarili niya sa pamamagitan ng kanyang Anak. Si Jesus ang WALANG HANGGANG TAGAPAMAGITAN ng Ama sa sangkatauhan. Napakapalad natin kung dahil sa ating pananalig kay Jesus, kung dahil tayo ay tumitingala sa kanya at nakikinig sa kanyang Salita, nauunawaan natin kung sino at ano talaga ang Ama, at maging tunay na kumbinsido na nais ng ating Ama na muling TIPUNIN TAYO na kanyang mga anak sa kanyang mahal na piling. Sa Ebanghelyo ni Juan 3: 16, ito ay nasasaad: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Salamat Jesus, na inihayag mo sa amin ang iyong Ama, at sa pamamagitan mo, matawag namin siyang aming Ama!