242 total views
Mga Kapanalig, para kay Pope Francis, ang pagiging mamamahayag ay isang “noble profession” o marangal na propesyon dahil kaakibat nito ang pakikinig sa katotohanan at paghahatid nito sa publiko.
Ngunit lumabas sa Reuters Institute Digital News Report na dito sa Pilipinas, batid ng karamihan sa atin ang pambabatikos sa mga naghahatid ng balita. Nasa 91% ng mahigit dalawanlibong Pilipinong lumahok sa survey ang nagsabing nakabasa o nakarinig sila ng mga pambabatikos sa mga news media at mga mamamahayag. Halos kalahati sa kanila o 46% ang nagsabing kasama ang mga pulitiko sa mga nagpapalaganap ng pagdududa sa mga mamamahayag at news media. Hindi nalalayo ang karanasan nating ito sa Amerika at Mexico. Kasama rin daw sa mga bumabatikos sa mga lehitimong mamamahayag ang mga celebrities at influencers. Nasa 41% ng mga respondents ang nagsabi nito.
Ayon pa sa report, magkaugnay ang pambabatikos na ito sa mga mamamahayag sa bumababang tiwala ng publiko sa media sa Pilipinas. Ibig sabihin, kung matindi ang pambabatikos sa media, hindi ganoong kalaki ang tiwala ng tao sa mga miyembro nito. Ang overall trust natin sa balita ay nasa 38% lamang, mas mababa pa sa global average na 40%. Katumbas ito ng halos apat lamang sa sampung Pilipino. Ang mga Pilipinong edad 35 pababa ay mas malamang na magsabing maaaring hindi nila pagkatiwalaan ang balita.
Sinasalamin naman ng mababang tiwalang ito sa balita ang bumababang interes ng mga Pilipino sa balita. Marami sa atin ang umiiwas nang makinig sa balita at nag-iingat na pag-usapan ang pulitika, sa online man o offline. Nasa 89% ng mga Pilipino ang umiiwas sa mga tinatawag na “hard news” o mga balitang tungkol sa pulitika at katarungang panlipunan o social justice. May mga hindi na nagbabasa ng mga balitang maaaring makapagpalungkot o makapagpabalisa sa kanila.
Nakababahala ang mga datos na ito. Ang mga mamamahayag na nasa mga lehitimong organisasyon ay nag-aral ng maraming taon at dumaan sa matinding pagsasanay upang maghatid ng totoong balita. Ngunit dala na rin ng paninira sa kanila, binabalewala na rin natin ang katotohanang nais nilang ipabatid sa atin. Samantala, nagiging sources na ng impormasyon at maging ng balita ang mga social media influencers na hindi dumaan sa mahigpit na prosesong humasa sa mga lehitimong mamamahayag.
Tayong mga Katoliko ay may tungkuling laging kumilos patungo sa katotohanan, igalang ito, at maging responsableng saksi nito. Pinahahalagahan iyan sa ating katesismo at mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Ang paglihis sa katotohanan, wika nga sa Mga Kawikaan 12:22, ay kinamumuhian ng ating Panginoon. Kaya ang pagbatikos sa mga mamamahayag, lalo na kung ang layunin nito ay pagtakpan ang paglabas ng kung ano ang totoo at tama, ay masasabi nating malaking hadlang sa pagtungo natin sa katotohanan.
Mas nakababahala pang ang mga taong nasa poder—ang mga pulitikong nagpapatakbo ng gobyerno—ay nangunguna pa sa paninira sa mga lehitimong mamamahayag. Hindi lamang nila ito ginagawa sa pamamagitan ng kanilang mga sinasabi. Minsan pa nga, nasa likod pa sila ng mga banta sa buhay ng mga naghahatid ng balita lalo na kung hindi ito pabor sa kanila. Mula nga noong nagsimulang umupo sa puwesto si Pangulong Bongbong Marcos Jr, hindi bababa sa 75 kaso ng pagbabanta at pag-atake sa mga mamamahayag ang naitala.5 Marami sa kanila ang iniuugnay pa sa mga grupong itinuturing na kalaban ng gobyerno kahit wala namang matibay na ebidensya.
Mga Kapanalig, ang mababang tiwala nating mga Pilipino sa balita ay hindi sana humantong sa lubusang pagiging bulag at bingi natin sa tunay na nangyayari sa ating bayan. Kung ito ang mangyayari, hindi natin malalamang may mas magandang kalagayan pa tayong maaaring marating.
Sumainyo ang katotohanan.