331 total views
Nanawagan ang Teacher’s Dignity Coalition (TDC) sa pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan ng mga paaralan sa bansa mula sa pag-atake ng mga bandido lalu na sa bahagi ng Mindanao region.
Ayon kay TDC National Chairman Benjo Basas, tila nagiging target ngayon ng mga bandidong grupo ang mga paaralan na walang kakayahan para lumaban.
Ang TDC ay may kabuuang higit sa limang libong miyembro sa Mindanao.
Hinimok ni Basas ang gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng mga guro at estudyante, lalu na sa mga malalayong lugar.
“Kung matitiyak po ng ating gobyerno na ang ating mga paaralan ay secured, ibig sabihin sa ‘allowable distance’ naman puwede nating sabihin na nandyan merong nagbabantay me mga tao na masasabi natin na madedepensahan yung sanctity at neutrality ng ating school , why not,” paliwanag ni Basas sa panayam ng Radio Veritas.
Giit ni Basas, ang mga grupo tulad ng Bangsamoro Islamic Fighter (BIFF), Maute Group, Abu Sayyaf at iba pa ay hindi kabilang sa mga rebeldeng grupo na nakakausap ng pamahalaan para sa kapayapaan at hindi gumagalang sa international humanitarian laws o ang mga nakatalagang peace zone tulad ng paaralan.
Sa paglusob ng mga bandido sa Marawi City, kabilang sa sinalakay ng Maute Group ang Mindanao State University, Ninoy Aquino School at Dansalan College. Habang kamakailan lamang ay pinasok din ng BIFF ang Sisimsan Elementary School at High School at ang Malagakit Elementary School sa North Cotabato.
Kaugnay nito, umapela si Department of Education (DepEd) Assistant secretary Tonisito Umali sa mga paaralan sa buong Pilipinas na malugod na tanggapin ang mga mag-aaral na apektado ng nangyayaring gulo sa Marawi City.
Hiling ni Umali sa pamunuan ng mga paaralan na bigyang–prayoridad ang mga transferee students mula sa Mindanao at protektahan ang mga ito mula sa anumang diskriminasyon o pang-aapi dahil lamang sa kanilang pinanggalingan.
Sa tala ng DepEd-ARMM, umabot na sa mahigit 8,000 sa 22,000 estudyante sa Marawi ang nakapagpatala sa iba’t-ibang eskwelahan sa rehiyon kung saan 3,000 rito ay kasalukuyan pumapasok sa mga paaralan sa Iligan City habang ang tinanatayang 2,500 ay nag-aaral na sa Lanao Del Norte.
Binibigyang pagpapahalaga ng Santo Papa Francisco ang kahalagahan ng edukasyon sa mga kabataan dahil dito nahuhubog ang kaisipan tungo sa pagiging mabuting mamamayan ng lipunan, kaya’t labis-labis din ang panawagan ng Santo Papa para sa kapayapaan sa buong mundo na ang pangunahing mga biktima ay mga kabataan.