313 total views
February 22, 2020 10:29AM
Ipinaalala ni Balanga Bishop Ruperto Santos na ang lahat ay may katapusan sa mundong ibabaw sapagkat bawat isa ay likha lamang ng Diyos.
Sa pagninilay ni Bishop Santos sa nalalapit na Miyerkules de Abo, ang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng kuwaresma, ipinaalala nito sa mamamayan na babalik ang lahat sa Panginoon.
“Our life has an end, and so everything. Power and position do not last forever. There is always end of tenure. Effectiveness expires. Beauty fades. Health deteriorates. Popularity wanes; We all come from God; God created us from dust, and to dust we shall return,” pagninilay ni Bishop Santos.
Ayon sa Obispo, ang Miyerkules ng Abo ay paalala sa katotohanan ng buhay na sa kabila ng mga paghihirap, may Diyos na nakahandang tumanggap at bukas palad na hinihintay ang pagbabalik loob ng tao.
Kasabay nito hinimok ni Bishop Santos ang mananampalataya ang pagsasabuhay ng mga turo na makatutulong mapalago ang buhay pananampalataya; ang pagbabahagi, pagsasakripisyo at ang paglilingkod sa kapwa.
Sinabi ng Obispo na mahalagang magbahagi ng limos sa nangangailangan at maipaabot ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng mga biyayang natanggap.
Iginiit din ng Obispo ang pagsasakripisyo kung saan nararapat na unahin ang kapakanan ng kapwa alinsunod sa kautusan ng Diyos at isantabi ang pagiging makasarili.
“To serve is to save. It is to fulfill and follow God’s commandments. We do anything in order to protect and promote life, making their lives peaceful and prosperous; safe and secured. To serve is not to lead them to shame, scandal and much more not to sin and occasion of sins,” dagdag pa ng obispo.
Ang apatnapung araw na paghahanda ay magsisimula sa ika – 26 ng Pebrero habang patuloy na inaanyayahan ng simbahan ang mananampalataya na gawing makabuluhan ang pagdiriwang ng Kuwaresma lalo na sa mga Mahal na Araw at ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus para sa sanlibutan.