212 total views
Magpapatunog ng kampana ang lahat ng Simbahan na nasasakupan ng Archdiocese of Cagayan De Oro bilang pagkondena sa extra judicial killings at para sa mga nasawi sa drug war maging ang mga apektado ng digmaan sa Marawi.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma, isasagawa ang pagpapatunog ng kampana tuwing alas-8 ng gabi hanggang sa pagbawi ng martial law sa Mindanao.
Una na ring pinalawig ng pamahalaan ang pagpapatupad ng batas militar hanggang sa pagtatapos ng taon.
“We will also ring the church bells tuwing alas-8 ng gabi- ito ay may dalawang kahulugan. First we are against extra judicial killings, second we want also to remember the dead and the affected families sa crisis sa Marawi ngayon,” ayon kay Archbishop Ledesma.
Sa pinakahuling ulat higit sa 12 libo na ang napapaslang na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Nagpalabas din ng pastoral letter ang arkidiyosesis para sa kanyang nasasakupan kaugnay na rin sa suliranin ng bansa na may kinalaman sa ilegal na droga.
Iginiit naman ni Archbishop Ledesma na malaki ang naitutulong ng community based rehabilitation para sa mga drug dependent.
Sa katunayan, sinabi ng Arsobispo na patuloy ang iba’t-ibang grupo sa programa kabilang na dito ang itinatag na Coalition for a Drug Free Society katuwang ang Department of Health at lokal na pamahalaan ng Cagayan De Oro.
Nauna rito, nananawagan si CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na patunugin ang mga kampana para matigil na ang mga pagpatay sa operasyon ng mga otoridad sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.
Read: