561 total views
Pinuri ng environmental group ang matiwasay at malinis na pagdiriwang ng pagsalubong sa bagong taon sa National Capital Region.
Ito’y dahil nabawasan ang naitalang Firecracker-related injuries at polusyon sa Maynila bunsod ng pinairal na total ban sa pagbebenta ng mga nakapapaminsalang paputok.
Ayon kay Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste Coalition na ito’y isang palantandaan na nabawasan na nabawasan din ang mga basura sa kapaligiran na palagiang problema sa unang araw ng bawat taon.
Dahil din sa kaunting paggamit ng paputok ay nabawasan ang polusyon sa hangin kung ikukumpara noong mga nagdaang taon.
“Unang una, magandang sensyales ‘yan para sa atin, lalung-lalo na ‘yan naman din talaga ang layunin at tunguhin natin na panawagan, ever since na talagang mabawasan ‘yung basura, ganundin yung paggamit ng mga paputok sa pagsalubong ng bagong taon. Kaya ‘yan ay ikinagagalak natin na nangyayari ‘yung ganyang sitwasyon dito sa atin,” pahayag ni Dizon sa panayam ng Radio Veritas.
Hiniling naman ng grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nawa’y tuluyang pagpapatupad ng total ban sa anumang uri ng paputok maging ang pyrotechnic activities sa buong bansa sa taong 2021.
“Talagang inaantabayanan natin at sana nga ay patuloy na ipanawagan pa ng ating Pangulo [Rodrigo Duterte], kumbaga ipagpatuloy niya yung kanyang pronouncement nung una na ngayong 2021 ay talagang mas pag-push ng total ban sa firecrackers at pyrotechnic activities ang mga Filipino,” ayon kay Dizon.
Batay sa ulat ng Department of Health, aabot sa kabuuang 50 ang naitalang firecracker-related injuries sa buong bansa mula noong ika-21 ng Disyembre, 2020 hanggang unang araw ng Enero, 2021.