257 total views
Nanawagan ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa isang conference tungkol sa Sacred Heart at interview ng Radyo Veritas sa sambayanang Filipino na maging consistent sa pagtatanggol sa sagradong buhay ng tao.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang buhay ng tao ay galing sa Diyos kaya mahalaga at sagrado.
Sinabi ng Kardinal na ang lahat ng klase ng tahasan, kusa at pinagplanuhang paglapastangan at pagpatay sa buhay ng tao ay dapat kondenahin.
Nanawagan din ang Cardinal na mabahala tayo sa lahat ng uri ng ganitong pagkitil sa buhay at hindi sa iilan lamang.
“Buhay ng kahit sino hindi lamang buhay na gusto nating protektahan. Basta taong may buhay kahit sino pa siya, ang buhay na yun ay sagrado. Alam ko na ngayon na ang malaking usapin ay ang nagiging mga pagpatay, sabi pati raw sa mga hindi guilty sa mga inosente, pero kahit nga guilty man o hindi guilty, ang buhay ay dapat alagaan at igalang. At kung guilty bigyan ng bagong buhay. Pagkakataong makabangon mula sa lumang buhay,” mensahe ni Cardinal Tagle
Kumbinsido ang Kardinal na marami ang nababahala sa mga nangyayaring extra-judicial killing subalit dapat ding mabahala ang lahat sa mga nangyayaring abortion o pagpatay sa mga sanggol na walang kalaban-laban.
Tinukoy din Cardinal Tagle ang unfair labor practices, ang human trafficiking na isa ring uri ng pagpatay sa dangal ng tao maging ang pag-aksaya ng tao sa pagkain na kailangan pang maging basura bago ito makain ng mga mahihirap.
Iginiit ng Kardinal na bilang sambayanan dapat nating ipadiwang ang kagandahan ng buhay. Milagro nag Dios ang buhay. Maganda ang buhay. Ito ang mabuting balita. Kaya hindi marapat ang lahat ng uri ng kusa at tahasang pagpatay at paglapastangan sa buhay ng tao na sagrado at banal.
“Ang Diyos ay Diyos ng buhay kaya dapat alagaan ang buhay. Pero marami worried sa extra-judicial killings. At dapat lang. Sana naman worried din tayo sa abortion, bakit kaunti ang nagsasalita against abortion? Pagpatay din yan. Unfair labor practices isang uri rin yan ng pagpatay ng dangal ng manggagawa. Yung tapon tayo ng tapon ng pagkain, kailangan munang nasa basura bago pupulutin ng iba at ipapakain sa pamilya nila, pagpatay din yan sa mga batang walang makain,” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas
Hiniling ng Kardinal sa sambayang Filipino na maging consistent sa pagsusulong ng whole o integral life at hindi maging selective.
“Be consistent to promote whole or integral life, let us not be selective. Bantayan natin ang abortion ang mga batang hindi pa naisisilang ay walang kalaban- laban. Ang pagtitinda ng bawal na gamot, ang pagtulak sa mga kabataan sa bisyo. Yan ay isang uri din ng pagpatay ng kanilang pangarap, kaisipan, pagpatay ng kanilang magagandang pakikisama sa pamilya,” paglilinaw ni Cardinal Tagle
Ipinaalala ng Kardinal sa lahat na sa oras na madiskubre nating muli ang kahalagahan ng buhay ng tao maging sinuman ito ay tungkulin nating ipagtanggol ang dangal ng buhay ng bawat nilalang.