240 total views
Itinuturing ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Manicani Island, Guian, Eastern Samar na isang maagang pamasko ang binitiwang pangako ni Environment Secretary Roy Cimatu na hindi na muling magkakaroon ng pagmimina sa kanilang isla.
Ayon kay Fr. Niño Garcia, Parish Priest sa isla, bagamat wala pa silang pinanghahawakang kasulatan ay umaasa ang mamamayan sa Manicani na tutuparin ni Cimatu ang kanyang pangako.
Samantala, sinabi rin ng Pari na mananatili pa rin silang mapagmatyag upang tuluyan nang matuldukan ang paghihirap na dinadala ng industriya ng pagmimina sa kanilang lugar.
“Isang magandang pamasko para sa amin na patuloy na tumututol sa pagmimina sa buong isla ng Manicani, yun nga lang hindi pa naming ma-i-celebrte ng lubos yung victory na nangyari hanggat wala kaming hinahawakan na opisyal na document, memorandum galing kay Secretary Cimatu ay patuloy pa rin kaming magbabantay at magmamatyag nab aka sa mga susunod na secretaries ulit o administration ay maibalik ulit ang pagmimina,” pahayag ni Fr. Garcia sa Radyo Veritas
Samantala, nais ngayon ng mamamayan sa Manicani na ibalik ng Hinatuan Mining Corporation ang nakatambak na mineral stock piles nito upang hindi na ito mapunta pa sa mga pananim at karagatan.
Batay sa obserbasyon ni Fr. Garica at ng kanyang mga kasamahan sa kanilang parokya sa Manicani ay bagamat hindi naging malubha ang pinsalang idinulot ng bagyong Urduja sa kanilang isla ay labis naman ang pag-ulang dinala nito na naging dahilan upang tangayin ang mga laterite ng mina patungo sa karagatan.
“Yung secretary ko nakakuha sya ng video na yung tubig ulan galing sa bukid ay dala nya yung kulay pula, laterite soil na dala nya, dumadaloy hanggang papunta sa dagat so yung stockpile o pagmimina ay nakapagbigay ng hindi magandang epekto sa palibot na dagat ng buong isla,” dagdag pa ng Pari.
Sa kabila nito, umaasa din ang simbahan sa Manicani na maisasakatuparan ang inihayag na planong pagbisita ni dating DENR Secretary Gina Lopez at kasalukuyang kalihim na si Cimatu sa isla ng Manicani upang planuhin ang isasagawang rehabilitasyon at pagibigay ng livelihood program sa mamamayan sa isla.
Taong 1992 nang magsimula ang pagmimina sa isla. Sa kabuuan ay mayroon lamang itong lawak na 1,165hektarya habang mayroon namang humigit kumulang 3,000 mga residente.
Ang kumpanyang Hinatuan Mining Corporation na subsidiary ng Nickel Asia Corporation, ang pinakamalaking kumpanya ng minahan sa Pilipinas ang natukoy na nagsagawa ng operasyon sa lugar.
Samantala, sang-ayon sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco ay mariin ding tinututulan ng Santo Papa ang industriya ng pagmimina dahil sa nagiiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.