360 total views
Kaakibat ng buhay pananampalataya ng mga Filipinong Kristiyano ay ang ganap na pagsasabuhay nito sa pamamagitan ng pagiging isang mabuting mamamayan.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Diocese of Cabanatuan Bishop Sufronio Bancud kaugnay sa magkaalinsabay na paggunita ng Kalinis-linisang Puso ni Maria at ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP–Episcopal Commission for the Biblical Apostolate (ECBA), mahalaga ang tunay na pagsasabuhay ng pananampalataya ng bawat isa hindi lamang sa pamamagitan ng pagging aktibong kasapi ng Simbahan kundi maging sa pagiging mabuting kasapi ng pamilya, komunidad at ng buong bansa.
“The Immaculate Heart of Mary at kaalinsabay din nito ang Independence Day sa Pilipinas huwag nating kakalimutan minamahal kong mga kapatid na sa tuwing ating tinitingnan ang buhay pananampalataya ito’y ating sinasabuhay sa ating kinalalagyan, sa ating pamilya una sa lahat, sa ating barangay, sa bayan, sa probinsya, sa region, sa buong bansa na dapat yung ating pagka-Filipino ay totoong pagsasalarawan at pagbibigay buhay ng ating pananampalataya.” pahayag Bishop Bancud sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi sapat na sa salita at sa mga gawaing pansimbahan lamang naipapamalas ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa halip ay dapat itong isabuhay sa pagiging mabuting kasapi ng bayan. Kabilang sa mga tinukoy ni Bishop Bancud ay ang pagtugon at hindi pagsasawalang bahala sa nagaganap na mga katiwalian, kaguluhan at karahasan.
Ayon sa Obispo, marapat ding tuwinang ipanalangin ang paggabay ng Panginoon sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria upang magkaroon ng ganap na kaayusan at katahimikan ang buong bayan.
“Ang isang totoong mananampalataya sa Mabuting Balita ng Panginoon ay ipinapahayag bilang Filipino para sa ganyang konteksto natin sa buhay natin sa Pilipinas ay ating tugunan kung meron tayong nakikitang katiwalian, kung meron tayong nakikitang mga kaguluhan, kung meron tayong nakikitang karahasan ang lahat ng mga ito ay ating harapin na ang magbunsod sa atin ay yung pananampalataya, hilingin natin ang pamamagitan ng ating Mahal na Ina dahil inilalaan natin ang araw na ito for the consecration of the whole country…” Dagdag pa ni Bishop Bancud.
Umaasa rin si Bichop Bancud na makita ng bawat isa na bahagi ng totoong kalayaan ay ang kalayaang maging tunay na daluyan ng pagpapala ng Diyos ang bawat isa. Tema ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong taon na “Kalayaan 2021: Diwa ng Kalayaan sa Pagkakaisa at Paghilom ng Bayan.”