178 total views
Mga Kapanalig, wika nga sa Levitico 19:18, “Huwag kayong gumanti ng masama o magtatanim ng galit sa inyong kapwa, kundi mahalin ninyo siya gaya ng inyong sarili.” Ito ang madalas nating naririnig na paalala sa mga pagkakataong mayroon tayong hindi pagkakaintindihan sa iba o nakakasamaang-loob.
Ito rin marahil ang mensaheng nais iparating ni Congresswoman Lucy Torres ng Leyte sa isang panayam sa kanya tungkol sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. Kinikilala ng kongresista ang pagkapanalo natin sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong 2016, kung saan pinapawalambisa ng inilabas na ruling ang pag-angkin ng China sa buong South China Sea. Pinagtibay nito na ang mga katubigan at islang nasa tinatawag na continental shelf ng Pilipinas, katulad ng Scarborough Shoal (o Bajo de Masinloc), ay nakapaloob sa ating exclusive economic zone (o EEZ).
Tinawag din ng kongresista ang China bilang “biggest bully” ngunit isang kaibigan din, isang “bully-friend”. Inihalintulad niya ang China sa isang bully sa paaralan na maituturing din namang isang kaibigan kung makikita lamang ang kanyang kabaitan o “good side.” Sa halip na makipag-away sa bully na malinaw naman daw na mas malaki at mas malakas, “you appeal to his good side” daw para hindi ka na i-bully.
Ang ganitong mga salita ng kongresista ay, sa isang banda, nagtataguyod ng pag-iwas sa karahasan, bagay na kasang-ayon naman sa prinsipyo ng kapayapaang pinapahalagahan natin sa Simbahan. Minsan ngang sinabi ni Pope Francis na hindi kailanman magbubunga ng kapayapaan ang paggamit ng karahasan. “War begets war, violence begets violence,” pagbibigay-diin ng Santo Papa.
Ngunit balikan natin ang mga salitang binanggit natin sa simula ng ating editoryal ngayon. Sa pangalawang bahagi ng pangungusap mula sa aklat ng Levitico, ipinapaalala sa ating ang pagmamahal natin sa ating kapwa, maging sa mga umaaway sa atin, ay kailangang katulad ng pagmamahal din natin sa ating sarili. Sa madaling salita, magiging tunay lamang ang pagmamahal natin sa ating kapwa kapag minamahal din natin ang ating sarili. At ang pagmamahal sa sarili ay hindi makakamit kung mababa ang pagpapahalaga natin sa ating sarili, kung mahina ang tingin natin sa ating kakayanan, at kung iniisip nating wala tayong kakayahang panindigan ang tama at nararapat para sa atin.
At ganito rin ang kailangang umiral kung tunay na pagkakaibigan ang nais nating magkaroon sa pagitan ng mga bansa. Respeto sa isa’t isa ang batayan ng tunay na pagkakaibigan, at hindi ito maibibigay sa atin ng isang bansang itinuturing nating bully kung ang tingin natin sa ating sarili ay biktima lagi ng mas malalaki at malalakas na bansa.
Hindi natin sinasabing makipaggiyera tayo sa isang bansang kasinlaki at kasinlakas ng China, ngunit bigyan din natin ang ating bayan ng pagkakataong manindigan para sa kung ano ang nararapat sa atin. Sa isyu ng West Philippine Sea, ito ay ang karapatang linangin ang mga biyayang matatagpuan sa mga isla at karagatang tayo ang karapat-dapat mangasiwa batay na rin sa mga pandaigdigang patakaran. Masasabi ba nating mahal natin ang ating sariling bayan kung pikit-mata nating hinahayaang itaboy ng mga dayuhan ang mga kababayan nating mangingisda? Mahal ba natin ang Pilipinas kung wala tayong ginagawang paraan upang pigilan ang pagpapatayo ng mga iligal na istruktura sa mga islang dapat pakinabangan ng lahat?
Mga Kapanalig, gaya rin ng sinabi sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, maging ang mga bansa ay inaanyayahang pairalin ang pagkakapatiran. At nangangailangan ito ng isang mas mabuting uri ng pulitika, isang pulitikang nagtataguyod ng kabutihang panlahat o common good. Ngunit kung ang pulitikang ito ay lantarang ginagawang dehado ang ating sariling bayan, interes ng malalaki at malalakas na bansa ang mangingibabaw.