1,717 total views
Binalaan ng BAN Toxics ang mga magulang sa pagbili ng school supplies na may sangkap na nakalalasong kemikal na lubhang mapanganib para sa mga bata.
Ayon kay Thony Dizon, toxics campaigner ng grupo, ang lead ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga kabataan lalo na sa pag-uugali.
Ang babala ay kasunod ng isinagawang pagsusuri ng grupo sa mga ibinebentang school supplies sa Divisoria, Maynila kaugnay sa muling pagbubukas ng klase ngayong buwan.
“Our investigation proves the continued presence of toxic chemicals in children’s products. We advise parents to take necessary precautions when buying school supplies,” pahayag ni Dizon.
Kabilang sa mga gamit na nagpositibo sa toxic lead ay ang kiddie water container na mayroong sangkap na 24,500 parts per million ng lead.
Bukod pa rito ang kiddie backpacks, crayons, pastel colors, pencils, at pencil cases na pawang nagpositibo rin sa mapanganib na kemikal.
Hinimok naman ng BAN Toxics ang pamahalaan na magtalaga ng ‘Consumer Action Centers’ sa mga pampublikong pamilihan at malls upang higit na mapaigting ang pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamimili laban sa mga mapanganib na kemikal sa mga produktong pambata.
“We will continue to raise public awareness on toxic chemicals in children’s products as part of our campaign for Toxic-Free and Waste-Free Schools. The protection of our children from toxic harm is their basic right,” giit ng grupo.
Nakasaad sa Chemical Control Order for Lead and Lead Compounds ng Department of Environment and Natural Resources ang mahigpit na pagbabawal sa paggamit ng anumang mapanganib na kemikal lalo na sa mga kagamitang pampaaralan para na rin sa kaligtasan ng mga kabataan.
Nakasaad naman sa Catholic Social Teaching na bagamat sang-ayon ang simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangang ang negosyo nito’y hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan ng mamamayan at pinsala sa kalikasan.