326 total views
Paghihikahos ang nadadanasan ng napakaraming Filipino ngayon. Pakiramdam ng maraming maralita, ang pagiging mahirap sa Pilipinas ay tila ba isang sumpa – hindi lang pera o pagkain ang kulang, minsan pati pagasa, nawawala na rin.
Tingnan natin ang sitwasyon ng napakaraming Filipino ngayon. Balik tayo sa lahat ng mga kalyeng halos walang galawan kada rush hour, lalo na kapag umuulan. Maswerte pa tayong may sasakyan – marami sa ating mga kababayan, nakapila ng milya milya para sa shuttle, sa bus, sa tren. Pag sa jeep naman, balyahan ang labanan para lang makasakay. Ang masaklap, ipit ka pa rin sa traffic kahit nakasakay ka pa. Maswerte pa nga ang mga nahirapan mang sumakay, pero may trabaho namang pupuntahan. Merong iba tayong kababayan, makikipag-paligsahan sa kalye para maghanap ng trabaho na kulang pa rin ang se-swelduhin kapag natanggap dahil sa taas ng bilihin ngayon. Kaya nga maraming Filipino, hirap kumapit sa pagasa ngayon.
Kumpara sa ibang mga Southeast Asian countries, mas mataas ang unemployment rate sa ating bansa. Nasa 6% ang jobless rate sa atin, habang nasa 3.9% sa Malaysia at 5.8% sa Indonesia. Pagdating naman sa inflation rate, pataas din ng pataas ito sa ating bansa. 6.1% ito noong Hunyo, tumaas pa sa 6.4% nitong Hulyo. Pahirap ng pahirap ang buhay. Tinatayang halos nasa 18.1% ang poverty incidence sa ating bansa ngayon. Katumbas ito ng 20 milyong Pilipinong hindi kayang makamit ang kanilang basic food and non-food needs.
Isa sa mga pinaka-aantay na tulong ng mga kababayan nating naiipit sa kahirapan ay hindi lamang dole-outs o ayuda, kundi trabaho. Kailangan ng mga Filipino ng kabuhayan na magbibigay ng sapat na income o kita para sa kanilang pamilya. Kaya lamang, parang napaka-ilap ng trabaho para sa marami. Hindi lamang kasi job-openings ang usapan dito, kundi pati mga salik o factors gaya ng kasanayan, pati na rin distansya o lapit ng mga job o business opportunities. Kailangan din natin ng bibo o masiglang merkado at business climate upang mas maraming mga negosyo ang makakapaglikha ng trabaho.
Kaya lamang, tila nangangapa pa ang kasalukuyang administrasyon pagdating sa pagbibigay ng angkop na solusyon para sa kahirapang nararanasan ng mga Filipino ngayon. Malaking hamon ito, dahil dito masusubukan ang leadership at empathy ng mga pinunong nasa pwesto. Ano na nga ba ang plano ng pamahalaan upang makaraos na sa kahirapan ang mga Filipino? Ano na nga ba ang mga hakbang at estratehiya ng administrasyon upang maisa-katotohanan na ang bente pesos na kilo ng bigas at mas maalwang buhay para sa lahat?
Ang paglalatag ng maliwanag ng plano ay kailangan ng ating bayan ngayon – ito kasi ang panghahawakang pangako ng mga Filipinong ngayong salat ang marami sa salapi at kuba na rin sa kakayod. Ang pagbibigay ng plano ay pagbibigay sa bayan ng pag-asa at direksyon. Paalala ng Mater et Magistra, ang purpose o layunin ng estado ay ang kabutihan ng balana. Katungkulan nito ang pangalagaan ang mga mamamayan, at tiyakin ang kaunlaran ng lahat, hindi lamang ng iilan.
Sumainyo ang Katotohanan.