195 total views
Ang trabaho ng mga kabataan ang isa sa mga pinaka-malaking biktima ng pandemya. Ayon nga sa isang pag-aaral ng International Labor Organization (ILO) at ADB, naapektuhan ng pandemya ang trabaho ng mahigit 100 milyong kabataan sa Asia-Pacific. Mas maraming kabataan ang nakaranas na mabawasan ang oras sa trabaho at mas maraming kabataan din ang tahasang nawalan ng trabaho.
Sa ating bansa, ang services sector ang isa sa pinaka-malaking biktima ng pandemya, at karamihan sa mga mangagawa nito ay mga kabataang may edad 15-24 years old. Base sa 2017 labor statistics, mga 3.8 milyong kabataang manggagawa ang nasasakop ng service sector. Kung walang kita ang kabataang mangagawa, paano na ang kanilang kinabukasan?
Sa ganitong sitwasyon, napapanahon na kapanalig, na tingnan natin kung ano pa ang maaring mapuntahang trabaho ng ating kabataan ngayon, base na rin sa kanilang kasanayan o kagalingan, at mga trabahong bukas pa sa merkado.
Ang services sector kasi ng ating bayan, kung saan nariyan ang mga restaurants, mga tourism services, transport services, at iba pang mga industriya ay unang puntahan ng mga kabataan pagdating sa trabaho. Habang nag-aaral, ang iba ay nagiging service crew ng mga fastfood chains, hindi ba, habang yung iba nagpa-part time sa mga ride-sharing apps. Dahil bawas na ang pangangailangan dito ngayon, baka may mga industriya naman na maari sanang magbigay oportunidad sa mga kabataang walang trabaho.
Nag-iba na ngayon ang world of work, kapanalig. Mas in-demand ngayon ang mga digital-based na trabaho. Baka dito ngayon maaring magfocus ang pamahalaan – pagbibigay ng training sa mga kabataan upang makalahok sila mga digital-based jobs sa ating bayan. At sana, ang kasanayan na ito ay umabot hindi lamang para sa mga kabataang nasa pormal na edukasyon, kundi lalo na sa mga kabataang hindi nakakapasok sa paaralan dahil sa kahirapan.
Malaking oportunidad para sa bayan ang pagdami ng mga digital based jobs, lalo na’t ang mga Filipino ay may kahusayan pagdating sa pagsasalita ng Ingles. Kaya lamang ang kakayahan na ito ay masasayang kung hindi naman natin magagamit.
Ang pagtitiyak ng kasanayan at kagalingan, pati ng oportunidad para sa kabataang manggagawang Filipino ay ‘moral imperative’ nating lahat, lalo na ng pamahalaan. Ang pagtitiyak nito ay pagsisiguro ng kinabukasan ng bayan. Ang pagbibigay prayoridad sa trabaho ng kabataang manggagawa ay nagsusulong ng katarungan. Ayon nga sa Rerum Novarum, bahagi ng Panlipunang turo ng Simbahan: Justice demands that the interests of the working classes should be carefully watched over by the administration.
Sumainyo ang Katotohanan.