384 total views
Kapanalig, ang kahirapang nararanasan ng marami nating mga mamamayan ngayon ay kailangan nang tutukan at mabilis na tugunan. Hindi na biro na sa araw araw ng buhay ng maraming Filipino, gumigising silang lagi na lang salat.
Ang pinakamabisang tugon sa suliranin na ito ay hindi pangako at ayuda. Trabaho at disenteng kita ang kailangan ng mga mamamayan. Trabaho at disenteng kita hindi lamang para sa mga nakapagtapos ng pag-aaral, kundi para sa lahat ng nangangailangan nito.
Napakahalaga nito. Ayon nga sa World Bank, ang trabaho ay nagbibigay ng iba ibang daan tungo sa kaunlaran, nagbibigay ng oportunidad upang magamit at malinang ang kasanayan, at nagbibigay ng paraan sa taong magkaroon ng halaga at ambag sa lipunan.
Marami na sanang positibong pagbabago sa job market sa ating bayan, kaya lamang maraming kasulungan ang nabawi ng pandemya. Ngayong pahupa na ito, nakikita naman natin na bumabalik na ang maraming trabaho, kaya lamang, ang pagbangon o recovery ay hindi pantay pantay. Ayon sa datos ng World Bank, maganda ang recovery sa IT at wholesale and retail, pero mabagal-bagal pa sa food and accommodation, pati na rin sa mga trabaho para sa kabataan. Sa loob ng January 2020 hanggang January 2022, ang employment para sa kabataan ay bumaba mula 32% tungo sa 28%.
Isa sa mga diskarte ng ating mga mamamayan upang hindi na maapektuhan pa ng kasalatan ng trabaho at disenteng kita sa ating bayan ay ang mag-abroad. Kay dami na nating migranteng kababayan. Sinasabi nga na may Filipino na saan mang parte ng mundo ngayon. Dalawang milyong manggagawa ang pumupunta sa ibang bansa simula pa ng 2016.
Kapanalig, huwag na sana nating hintayin na maging salat naman tayo sa manggagawa bago natin atupagin ang job market sa ating bansa. Sabi nga ng mga eksperto, ito na ang panahon upang magkaroon ng reporma at pagbabago upang mapatibay pa lalo ang job market sa ating bayan. Panahon din ito na maitugma ang edukasyon ng mamamayan sa pangangailangan ng merkado hindi lamang ngayon, kundi sa hinaharap. Kailangan na rin tingnan ang halaga ng sweldo ng mga mamamayan kung angkop pa rin ito sa taas ng inflation rate sa ating bayan ngayon.
Sabi nga sa Sacramentum Caritatis, bahagi ng panlipunang katuruan ng Simbahan, “Work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society.” Kailangan nating maisa-ayos ito at maisagawa na may buong respeto sa dignidad, kakayahan, at pangangailangan ng mamamayan, at para sa kabutihan ng balana.
Sumainyo ang Katotohanan.