479 total views
Ang trabaho, kapanalig, ay higit pa sa kita o sweldo. Ito ay daan tungo sa kaganapan ng ating pagkatao. Ang Panlipunang Turo ng Simbahan ay maraming mga butil ng karunungan na nagtuturo sa atin ng kahalagahan nito.
Si Pope Benedict XVI, sa kanyang Sacramentum Caritatis, ay noo’y nagsabi na ang trabaho ay pundamental ang kahalagahan sa kaganapan ng ating pagkatao at sa kaunlaran ng lipunan. Kaya naman kailangan na ito ay maorganisa at maisakatuparan na may buong respeto sa ating dignidad at ayon sa kabutihan ng balana o ng common good. Sabay nito, kailangan rin na masigurado ng mga indibidwal na hindi sila maging alipin nito, o sambahin ito na tila ito ang magbibigay ng ganap na kahulugahan ng kanilang buhay.
Marami sa atin, kapanalig, batid ang kahalagahan ng trabaho para sa ating buhay. Kaya nga lamang, minsan, naliligaw tayo. Hindi natin napapagnilayan ang kahalagahan ng pahinga, hindi lamang para sa ating katawan o pag-iisip, kundi sa ating buhay ispiritwal.
Ayon nga sa Rerum Novarum: “Ang kapangyarihan at lakas ng tao ay limitado. Hindi natin kailanman malalagpasan ang limitasyon na ito. Ang ating lakas ay ating napapalago hindi lamang sa purong pagta-trabaho, kundi sa maayos na pagtigil-gawa at pahinga. Ang araw-araw na trabaho ay dapat nasa ayos, at hindi dapat lalampas sa natural na dulo ng ating kakayahan.
Ayon sa mga surveys, ang Philippine workforce ay nakakaranas ng ilan sa pinakamataas ma stress levels sa Asya. Ayon sa Regus International Survey noong 2013, mahigit pa sa 42% ng mga Filipino workers ang nagsasabi na ang kanilang stress levels ay tumaas noong mga nakalipas na mga taon. Ayon naman sa Grant Thorton International Survey noong 2011, 52% mga negosyante ang naagsasabing mas tumaas din ang kanilang stress levels. Ayon pa sa survey na ito, mas stressed ang mga negosyante sa ating bansa kumpara sa mga negosyante sa ibang bansa.
Ayon naman sa pinakahuling survey ng Wills Towers Watson, isang multinational consulting firm, ang mga stressors ng mga empleyado sa bansa ay mababang pasahod, kakulangan sa manpower, kultura ng kompanya, at work-life balance. Para naman sa mga employers, ang kanilang pangunahing stressors ay work-life balance, kakulangan ng manggagawa, at malabong job expectations.
Ang adbiyento ay mainam na panahon upang ating pagnilayan ang ating trabaho at ang nagiging sentral na posisyon nito sa ating buhay. Mainam na tayo ay magbagal, mag-pause, ika nga. Ang ating trabaho ba ay nagiging sentro na ng ating buhay sa halip na maging daan lamang sa ating kaganapan bilang indibidwal at lipunan?
Bigyan nating puwang ang ating ispiritwalidad sa gitna ng paghahabol natin ng mga deadlines. Ayon nga kay Pope John Paul II sa kanyang Laborem Exercens: Kailangang tumagos sa pang-araw araw nating gawain ang kamalayan na tayo, sa pamamagitan ng ating trabaho, ay nakikilahok sa tuluyang paglikha at pagmamahal ng Diyos.