806 total views
Kapanalig, sa ating bansa, ang kababaihan ay isang matinding pwersa. Makikita ito mismo sa ating mga tahanan kung saan ang mga babae ang kadalasan ang nagpapa-inog. Ngunit hanggang bahay na nga lang ba ang marami sa ating mga kababaihan?
Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, pito sa sampung Pilipino na hindi kasama sa labor force ay mga babae.
Mataas na bilang at nakakapanghinayang. Lalo pa’t digital na ang mundo ngayon, at maraming oportunidad sa trabaho ang nabuksan, mga oportunidad na akma sana sa mga kababaihan na maraming mga papel na kailangang gampanan sa buhay.
Ayon sa ADB, maraming mga hamon ang babae pagdating sa trabaho. Isa dito ay ang stereotypes pagdating sa paghahati hati ng trabahong pambahay. Marami ang naniniwala sa atin na ang may pangunahing responsbilidad sa lahat ng gawain sa bahay ay babae. Siya dapat ang maglaba, maglinis, magluto, mag-alaga ng anak, mamalengke, at iba pa. At kahit pa full-time work ito, hindi natin nakikita kung gaano kalaki ang bahagi nito sa pagsisiguro na makakapagtrabaho at makakapag-aral ang iba pang miyembro ng tahanan. At lahat ng gawain na ito ay walang bayad, walang holiday, at walang breaktime.
Ayon pa rin sa ADB, isyu rin ng kababaihan pagdating sa trabaho ang access sa disenteng sahod kapag nakapagtrabaho sila. Isipin niyo kapanalig ang mga mananahi at tindera na inyong nakikita. Magkano ba ang kita nila kada araw? Ayon sa pagsusuri ng ADB, ang maliit na sweldo ay laganap o prevalent sa hanay ng kababaihan sa bansa. Ang gender wage gap ay tinatayang nasa pagitan ng 23% and 30%, at nagpapakita ito ng mataas na lebel ng gender inequality sa bansa. Sa mga sakahan, halimbawa, mas maliit ang sahod o kita ng babae kaysa lalake.
Kapanalig, kailangan din ng pagbabago sa aspetong ito. Ang ating mga kababaihan ay ating mga kayamanan. Bigyan natin sila ng pugay at kahalagahan sa ating lipunan. Respeto sa kanilang buhay kapanalig, ang hamon ng isyung ito. Ang mga kababaihan ay binubuhos ang kanilang buong pagkatao upang pagsilbihan ang kanilang pamilya, bakit hirap ang ating lipunan ibigay ang respetong nararapat sa kanila?
Ang Evangelium Vitae ay may mahalagang aral ukol dito, at sana tayo ay maudyukan nitong magbago: Ang isang lipunan ay walang pundasyon kung hanggang salita lamang ang pag-galang nito sa dignidad ng tao, sa katarungan at kapayapaan, at kung pinapayagan nito ang mga iba ibang gawaing naglalapastangan sa buhay ng tao, lalo pa’t ito ay mahina at bulnerable.