253 total views
Ngayong mas maluwag na ulit ang ating pag-galaw sa ating lipunan, mas dumadami na ang mga trabaho para sa ating mga mamamayan. Kung ating tuloy-tuloy na mapapa-baba ang transmisyon ng COVID-19 sa ating bansa, mas gaganda pa ang employment outlook sa ating bansa.
Ang mga kabataan ang isa sa mga naapektuhan sa kawalan ng trabaho hindi lamang sa ating bansa kundi sa sa buong Asya. 55% ng youth population sa buong mundo ay nasa Asya at Pasipiko, kapanalig. Kaya nga’t napaka-vibrant – buhay na buhay ang rehiyon. Ang mga kabataan natin ay nagbibigay sigla at pag-asa para sa mabilis na pagbangon ng rehiyon mula sa pandemya. Kaya lamang, para tuloy tuloy ang sigla na ito, kailangan nila ng trabaho.
Kaya lamang, marami pa ring kabataan ang hindi nabibigyan ng pagkakataon ng magkaroon ng maayos, tiyak o secure, at de kalidad na trabaho. Marami ang hindi nakakapag-aral at makalahok sa job market dahil sa kawalan ng kasanayan. Kung makakuha man sila ng trabaho, minsan arawan lamang ito o hindi pa sigurado. Karaniwan din, halos barya lamang ang sweldo at hindi pa maayos ang working conditions, gaya ng pagiging kargador sa mga ports at pamilihan sa ating bayan.
Ang unemployment rate ng mga kabataan ay kadalasang mas mataas kaysa sa mga adults. Ayon sa isang pag-aaral ng Asian Development Bank, mga 13.8% ng mga kabataan sa Asya at Pasipiko ay unemployed o walang trabaho noong 2019 habang 3% naman sa mga adults. Kapag nakapag-trabaho naman ang mga kabataan, kadalasan nasa impormal na sektor ito kung saan hindi sila nabibilang at walang social protection. At dahil sa COVID-19 pandemic, mas maraming kabataan ang napipilitang kumayod kahit pa sa “hazardous” o mapanganib na trabaho.
At dahil nga pandemya ngayon, marami rin sa mga kabataan ang walang kasanayan o training para sa trabahong available sa merkado. Marami pa rin ang hindi handa para sa mundo ng trabaho. Ayon nga sa International Labour Organization o ILO, mga 19% ng ating kabataan ay hindi kalahok sa education, employment or training (NEET).
Pagdating sa kabataan at trabaho, kadalasan, iniisip lamang natin ay yung naka-graduate na. Kailangan natin palawigin ang ating konsepto kapanalig, at tingnan ang ating paligid. Ang mga kargador mo sa airport o sa pier, o kahit sa palengke, ang mga bagger mo sa grocery, pati kahera, o di kaya mga waiters o waitress sa mga restaurant na kinakainan o pinag-o-orderan mo–halos lahat sila ay mga kabataan. Tingnan natin ang sitwasyon nila at humanap ng paraan upang lalo pa itong mapabuti. Marami pa tayong dapat gawin upang masiguro na mas maayos, secure o tiyak, at dekalidad ang trabaho nila.
Kapanalig, ang trabaho ay isang pangunahing karapatang pantao. Kailangan natin ito para mabuhay. Ito rin ay nagbibigay ng pagkakataon sa tao na makilala ang kanyang kakayahan habang siya nakikilahok sa buhay ng komunidad. Kaya’t ayon nga sa Laborem Exercens, “We must continue to study the situation of the worker.” Ang kanyang kapakanan ay dapat nating iprayoridad.
Sumainyo ang Katotohanan.