297 total views
Kapanalig, sa isyu ng informal settlements at pabahay, kailangan nating maunawaan na hindi relokasyon ang tanging solusyon. Kailangang nating mai-adjust ang ating pananaw ukol dito. Kailangan natin ding makonsidera ang ilang mga bagay upang ang problema ng kawalan ng pabahay ay atin ng malutas sa lalong madaling panahon.
Alam niyo kapanalig, mas mahirap tugunan ang housing backlog sa ating bansa ngayon. Hindi lamang kasi pandemya ang panibagong hamon sa sektor ng pabahay sa ating bansa. Nandyan na rin ang mabilis na pagtaas ng halaga ng lupa at mga construction materials. At siyempre, pabilis ng pabilis ang urbanisasyon sa ating bayan, na isa rin sa mga nangungunang balakid sa maayos na pabahay para sa lahat.
Marami na sa atin ang nakatira sa mga highly urbanized cities. Sa katunayan, ayon sa opisyal na datos, dalawa kada limang kabahayan o households sa buong bansa ay nasa CALABARZON, NCR, and Central Luzon. Ang pangunahing rason ng pagdami ng mga kabahayan sa mga highly urbanized areas ay trabaho, kapanalig. Kaya’t kailangan nating makita na ang pabahay at trabaho ay mga kambal na hamon na hindi natin dapat paghiwalayin.
Napatunayan na ito ng maraming insidente kung saan na-relocate ang mga pamilya. Marahil nakarinig ka na ng mga kwento kung saan napilitang lumipat ang mga pamilya sa mga relocation sites sa labas ng mga syudad. Ang mga breadwinners ay kadalasang lingguhan na lamang nauwi sa bago nilang tahanan dahil sa layo at mahal ng pamasahe. May mga pagkakataon, hindi na sila nakakauwi, hanggang sa kalaunan, sa ibang bahay na nauwi – naghiwalay na. May iba naman, bumabalik na lamang sa syudad upang doon manirahan kaysa mapalayo sa trabaho o asawa.
Kaya’t sana, sa usaping relokasyon, sa halip na bahay lamang ang isipin, baka unahin natin trabaho muna. Maganda sana payabungin natin ang mga kanayunan ng bayan sa pamamagitan ng pagpapasigla ng agricultural sector at ng pagbubukas ng mga bagong negosyo at kabuhayan. Isa pang maaring magawa ay pagsusulong ng entrepreneurship sa mga kabahayan. Sa ganitong paraan, mabibigyan natin ng mga job options ang ating mga kababayan sa mga probinsya upang hindi na nila kailangan pang makipagsapalaran sa mga syudad.
Kapag ating tinitingnan ng sabay ang isyu ng pabahay at trabaho, mas epektibo ang mga solusyon na ating malalapat sa mga pangunahing hamon sa buhay ng mga mamamayan. Ang ganitong approach ay mas “holistic” at mas kumikilala sa dignidad ng tao. Sabi nga sa Pacem in Terris: kung nais nating maging maayos at produktibo ang ating lipunan, kailangan nating kilalanin ang angking dignidad ng bawat mamamayan.
Sumainyo ang Katotohanan.