1,017 total views
Mga Kapanalig, ang dignidad ng paggawa at ang karapatan ng mga manggagawa ay isa sa mga pinahahalagahan ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan. Ang paggawa—o pagtatrabaho—ay higit sa pagkakaroon ng hanapbuhay para mabuhay. Sa pagtatrabaho, tayong mga tao ay nakikilahok sa patuloy na paglikha ng Diyos. Pinagpapala ng Diyos ang ating paggawa nang maibahagi natin sa iba ang mga bunga nito, ayon nga sa Deuteronomio 14:29. Kaakibat ng pagtataguyod sa dignidad ng paggawa ang paggalang sa karapatan ng mga manggagawa—ang karapatang magkaroon ng trabaho, makatanggap ng disente at sapat na sahod, at magkaroon ng pribadong pag-aari.
Sa maraming aspeto, ang dignidad sa paggawa sa Pilipinas ay hindi laging naitataguyod. Sa opisyal na datos ng pamahalaan, nasa 2.27 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Hulyo 2023. Katumbas ito ng unemployment rate na 4.8%, mas mataas sa 4.5% noong Hunyo. Mas mababa naman ito kumpara noong kaparehong buwan noong isang taon. Itunuturong sanhi ng mataas na unemployment rate ang mas mabagal na economic activity sa ating bansa.
Ngunit ang interesanteng datos tungkol sa paggawa sa Pilipinas ay ang tungkol sa underemployment. Itinuturing na underemployed ang isang manggagawa kapag may trabaho nga siya pero gusto pa rin niyang madagdagan ang oras ng kanyang pagtatrabaho para sa dagdag na bayad. Underemployed din ang mga manggagawang gustong magkaroon ng karagdagang trabaho o sideline, sa madaling salita.
Ang mataas na underemployment rate ay sinasabing patunay na bumababa ang kalidad ng trabaho (o job quality) sa isang bansa. Noong Hulyo 2023, nasa 15.9% ng mga manggagawang Pilipino ang nagsabing sila ay underemployed. Mas mataas ito sa 12% noong Hunyo at sa 13.8% noong Hulyo ng nakaraang taon. Ang 15.9% na underemployment rate ay katumbas ng 7.1 milyong underemployed na Pilipino. Tumaas nga raw ang tinatawag na invisible underemployment rate; ibig sabihin, mas maraming Pilipino ang nagbabanat ng buto nang 40 oras o higit pa sa isang linggo, pero gusto pa nilang magtrabaho pa nang mas matagal para sa dagdag na kita.
Ang kawalan at kakulangan ng trabaho sa ating bansa ang nais tugunan ng administrasyong Marcos Jr sa pamamagitan ng Trabaho Para sa Bayan Act. Pinirmahan ito ng pangulo bago matapos ang Setyembre. Bubuuin ng batas na ito ang Trabaho Para Sa Bayan Inter-Agency Council na gagawa ng isang national employment master plan. Nakapaloob daw sa planong ito ang mga hakbang na susuporta sa mga micro-, small-, and medium-sized enterprises (o MSMEs). Magkakaroon din ng mga programang magpapahusay o magpapataas sa kasanayan ng mga manggagawa o ang tinatawag na upskilling upang makahanap sila ng ibang trabahong humihingi ng mga bagong kasanayan. Maglalatag din ang master plan ng mga hakbang na magbibigay ng insentibo sa mga employers, lilikha ng trabaho para sa kabataan, at tutulong sa mga OFWs na bumabalik sa bansa. Hindi lang sana sa papel ang magagandang layunin ng bagong batas na ito.
Mga Kapanalig, kumplikadong problema ang kawalan at kakulangan ng trabaho. Sanga-sanga ang mga dahilan kung bakit maraming hindi makahanap ng trabaho at kung bakit nakukulangan ang mga manggagawa sa trabahong mayroon sila. Lubhang mababa ang sahod sa ating bansa gayong napakataas naman ng gastusin natin dahil sa mahal ng mga bilihin at serbisyo. Ang kalidad ng edukasyon ay hindi nakalilikha ng mga manggagawang may mga akmang kasanayan. Ang mga trabahong nangangailangan ng mga manggagawa ay iyong mga hindi nagpapasahod nang regular at sapat. Sa madaling salita, ang uri ng ekonomiyang mayroon tayo ay hindi naglilingkod sa tao. Ito ang pinakamalaki nating problema. Ito ang katotohanang dapat pagnilayan at pagsumikapang tugunan ng ating pamahalaan kung seryoso ito sa pagbibigay ng trabaho para sa bayan.
Sumainyo ang katotohanan.