365 total views
Trabaho, mataas na sahod at serbisyong panlipunan ang isa sa pangunahing dahilan ng paglahok ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa pagdiriwang ng Labor Day.
Ito ang inihayag ni Gloria Arellano, chairperson ng KADAMAY kaugnay na rin sa paglahok ng kanilang hanay sa kilos protesta ng mga manggagawa.
“Kung nararanasan ng mga manggagawa ang hirap ng trabaho, tapos mababa ang sahod at kontrakwal ganun din ang nangyayari sa mga maralita, at mas mahirap kami dahil walang permenenteng trabaho. At karamihan sa mga miyembro naming ng maralita ay mga manggagawa din na may napakababang sahod, na hindi kasya ang kinikita. Wala silang kakayahan na mag-upa ng bahay kaya nandyan sila sa squatter’s area,” ayon kay Arellano sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Matatandaang ang KADAMAY ay nakilala matapos na okupahin ng mga ito ang mga tiwangwang na socialized housing ng gobyerno sa Pandi Bulacan.
Read:
Katiyakan
SA kabila nito, umaasa din ang grupo na muling makipag-usap sa pamahalaan para na rin maging permanente ang pag-okupa ng ilan sa kanilang miyembro ng bahay sa Pandi na una na ring iginawad ng Pangulo.
Una na ring inihayag ni Arellano, 5,918 units mula sa 10,000 housing units ang naukupahan ng KADAMAY sa Pandi habang 10-libo naman sa kanilang mga miyembro ang wala pang matitirhang bahay.
Tiniyak naman ni Arellano na hangad din ng mga maralita ang magbayad sa mga bahay na inokupa subalit hindi sa paraan ng amortization.
“Sa sinasabi nilang magbabayad kami, amortization. Pero pag sinasabing, negosyong pabahay po iyan, pataas ng pataas po yan. Pwede naman kaming mag-usap na magbabayad ang mga maralita pero makita rin po sana namin ang development sa komunidad. Dahil ang iniwan nilang pabahay na nakatiwangwang ay marami pang dapat ipagawa tulad na rin ng tubig at ilaw,” paliwanag ni Arellano.
Panawagan pa ng KADAMAY ang pagbabago sa pamahalaan ang pagkakaroon ng trabaho at mataas na suweldo ng manggagawa upang hindi na maulit ang pang-aagaw ng bahay ng mga maralita.
“Hindi mangyayari ang pag-okupa kung may regular na trabaho at sahod ang mga manggagawa, para makaya ang pagbabayad ng bahay. Ang pabahay ay serbisyong panlipunan na hindi naipagkakaloob ng gobyerno, kaya sinasabi namin na wala pang pagbabago,” ang pahayag ni Arellano.
Sa pag-aaral noong 2010, may 2 bilyon ang bilang ng informal settlers na may kabuuang higit 500 libong pamilya na base rin sa ulat ay pinondohan ng Aquino administration ng P50 bilyon para mailipat ang 120, 472 na pamilyang naninirahan sa danger zones.
Sa isang mensahe ng Santo Papa noong kuwaresma, sinabi nitong kailangang tulungan ang mga walang matutuluyan at huwag nang gumawa ng dahilan upang hindi magbigay lalu’t ang hangarin ay tungo sa pagbabago.