266 total views
Iginiit ng Department of Finance na marami ang naging benepisyo sa naunang ipinatupad na Tax Reform for Accelaration and Inclusion o TRAIN Law 1.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Antonio Joselito Lambino II, maliit na porsiyento lamang ang idinulot ng TRAIN law sa pagtaas ng inflation rate sa bansa.
“Sa totoo lang mayroon namang contribution ang TRAIN [Law] sa pagtaas ng presyo, kaso limitado ito kumpara sa naiisip ng nakararami, the rest galing po yan sa other factors tulad ng presyo ng oil import. Marami tayong benepisyo na natatanggap sa ngayon [TRAIN Law].” pahayag ni Lambino sa Radio Veritas.
Sinabi ni Lambino na halos 9 na sentimo lamang o 9 na pisong dagdag sa bawat gastos ng mga mamamayan ang dulot ng ipinatupad ng pamahalaan na reporma sa pagbubuwis.
Iginiit nito na ang malaking salik sa pagtaas ng inflation sa Bansa ay nagmumula sa ibang bagay tulad ng pagtaas ng presyo ng produktong langis sa pandaigdigang pamilihan, kakulangan ng suplay sa pagkain dulot ng pabago-bagong panahon.
Ipinaliwanag ni Lambino na nakikinabang ang mamamayan sa pagpapababa ng personal income tax kung saan nadadagdagan ang inuuwing sahod ng mga manggagawa.
Bukod pa ang pagbaba sa Estate Tax mula 20 porsiyento tungo sa 6 na porsiyento lamang at nakatakda ring aalisin sa susunod na taon ang ipinapataw na buwis sa mga gamot tulad ng gamot sa hypertension, high cholesterol at diabetes.
Sa 5.7 porsiyentong Inflation Rate sa Bansa noong Hulyo, nangunguna pa rin dito ang pagtaas ng presyo ng mga pagkain na isinisi ng karamihan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong langis sa Bansa dulot ng TRAIN Law.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika nararapat lamang na isaalang – alang ng mga namumuno sa Bansa ang kapakanan ng bawat mamamayan sa bawat repormang ipinatutupad.