441 total views
Nanindigan si dating Bayan Muna partylist Representative Atty. Neri Colmenares na ang ipinatupad na reporma sa pagbubuwis ng pamahalaan ang tunay na dahilan sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Bansa.
Ayon sa dating mambabatas, malinaw sa mamamayan ang naging epekto mula nang ipinatupad ng Pamahalaan ang Tax Reform for Accelaration and Inclusion Law.
Ipinaliwanag ni Colmenares na bagamat tumataas ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan ay nakadadagdag ito sa pagtaas ng presyo ng produktong langis sa bansa dahil sa excise tax na ipinapatong sa presyo kada litro.
“Bagamat totoo na tumataas ang presyo ng langis sa mundo pero ito hindi ito ang puwedeng masisi ng Duterte Administration na dahilan, ang TRAIN Law talaga ang dahilan dito.” pahayag ni Colmenares sa Radio Veritas.
Sinabi ni Colmenares na ipinapaskil din sa mga gasoline station sa bansa ang paunawang dahil sa TRAIN Law ang pagtataas sa presyo ng langis na isang malinaw na indikasyon na malaki ang naidudulot ng reporma sa pagbubuwis.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority noong Hunyo umabot sa 5.2 porsiyento ang Inflation Rate sa bansa kung saan nangunguna ang mga produktong pang agrikultura sa may pinakamabilis ang paggalaw ng presyo dulot na rin sa mataas na gastusin sa transportasyon.
Nauna nang tinutulan ng ilang Lider ng Simbahang Katolika sa bansa ang pagsasabatas ng TRAIN law dahil nakikita nito ang malaking epekto sa mga mahihirap partikular na sa mga walang hanapbuhay.