219 total views
Isa sa mga nakakalungkot na scenario sa ating mga lansangan, kapanalig, ay ang araw-araw na dami ng tao na humahabol at pumipila sa iba-ibang uri ng public transport ng ating bayan. Ang sitwasyon na ito, habang dumadaan ang mga araw, sa halip na bumuti, lalo atang guma-grabe, lalo na dito sa Metro Manila.
Nakakalito rin ang ating transport sector. Sali-saliwa, at halos di konektado ang mga transport terminals sa isa’t isa, lalo na dito sa Metro Manila. Ang mga istasyon ng tren, ng bus, ng jeep, ng tricycle, at ng pedicab, di konektado at hindi koordinado o magkatugma. Pati nga airport, taxi lang at pribadong sasakyan ang pangunahing opsyon kadalasan, hindi tulad sa ibang bansa kung saan napakalapit ng train at bus stations sa paliparan.
Hindi rin pedestrian friendly ang mga lansangan sa ating bayan, kaya ang hirap maglakad from station to station. Sa totoo lang, kapanalig, nakakatakot pa nga minsan maglakad sa mga sidewalks sa ating bansa, lalo’t pa’t gabi na at nag-iisa. Kaya lamang, maraming mga Filipino ang di maiiwasan na harapin ito dahil no choice sila. Halimbawa, mula sa pagbaba sa mga MRT stations tungo sa mga bus stations sa EDSA, dadaan ang commuters sa makikipot at madilim na sidewalks o bangketa. Kapag may araw naman, punong-puno naman ang karamihan sa mga sidewalks na ito. Hindi lamang dahil marami ang naglalakad, kundi dahil umaabot hanggang bangketa ang pila sa tren, sa bus, o sa mga UV express.
Hindi nga nakaka-pagtaka na ituring ng marami na “inhumane” o hindi na makatao ang public transportation sa ating bansa. Ilang dekada na ba natin nakikita ang mga kababayan nating araw araw na lamang humahabol sa mga jeep para lamang maka-abot sa trabaho o maka-uwi sa kanilang pamilya? Ang paghabol sa sasakyan ay umpisa lamang sa kanilang kalbaryo. Kapag sila’y nakasakay na, ilang oras din silang siksikan sa mga jeep, bus, o tren. Swerte na lamang kung sila ay nakaupo. Malas kung sa buong biyahe ikaw ay nakatayo, lalo pa’t kung ikaw ay nakasabit. Marami dyan, nanakawan pa. Ang mga babae, nababastos na. Ayon nga sa isang pag-aaral, umaabot ng 8,959,000 na indibidwal ang sumasakay sa mga public utility jeeps kada araw habang 1,856,000 namang ang sumasakay sa mga bus.
Kapanalig, kailangang matugunan ng ating estado ang napakalaking demand para sa public transport sa makataong paraan. Kahit magdagdag pa tayo ng mga kalye, kung hindi natin iibsan ang araw-araw na kalbaryo ng ating mga public commuters, ang kanilang pag-usad sa buhay ay mabagal at miserable pa rin, kasing bagal at kasing-miserable ng traffic sa ating mga pangunahing syudad.
Ang kawalang kaayusan o order ng ating public transport ay ehemplo ng kawalan ng panlipunang katarungan. Ehemplo rin ito ng kawalan ng pagmamahal. Kahit sinong makakita sa hirap ng ating mga kababayan sa kalye ay imposibleng hindi maantig, liban na lamang kung tayo ay bulag o manhid. Paalala mula sa Economic Justice for All: No one may claim the name of Christian and be comfortable in the face of hunger, homelessness, insecurity, and injustice found in this country and the world. Kung kaya mo ring makita ang hirap ng mga namamasahe sa kalye, malabong nasa puso mo si Kristo.