345 total views
Kapanalig, ang pagiging ordinaryong manggagawang Filipino sa ating bansa ay extra challenging sa ating panahon ngayon. Sa totoo lang, hindi biro ang hirap na dinadanas ng ating mga manggagawa sa araw araw para lamang magtrabaho at kumita.
Pag labas pa lamang ng bahay, malaking balakid na agad ang transportasyon. Ang public transport sa ating bansa ay hindi sapat sa bilang at kalidad. Araw-araw, kailangan maghabol ng mga mamamayan sa mga jeep para lamang makasakay. Araw-araw, kailangang pumila ng mga commuters ng pagkahaba-haba para lamang makipagsiksikan sa tren. Sa umaga at sa gabi, maikli na ang dalawang oras para lamang makipag-tunggalian sa kalye para makapasok sa trabaho at maka-uwi sa bahay.
Kaya naman marami na rin ang pumili ng magmotor, bike at scooter na lamang tungo sa trabaho. Mas cost-effective ito para sa maraming Filipinong taga-siyudad. Kaya lamang, safety issues din ang kanila namang hinaharap. Kapag bike at scooter ang gamit mo, walang espasyo para sa iyo sa mga pangunahing lansangan ng bayan. Base sa datos ng MMDA, umabot ng 2,397 ang mga road crashes na kaugnay ang mga bisikleta nitong 2021. 33 dito ang namatay habang 1,719 ang sugatan.
Sa mga motorsiklo naman, gas at safety rin ang usapan. Minsan, buong pamilya na ang nasa mga motor dahil para sa kanila, limitado ang kanilang mga opsyon para sa byaheng pampamilya. May mga pagkakataon rin na nakakaramdam ng diskriminasyon ang mga riders sa lansangan dahil sila lagi ang naiipit sa mga checkpoints. Dahil dito, nahuhuli rin sila sa pagpasok at laging naantala ang kanilang mga biyahe.
Kapanalig, ang transportasyon para sa mga ordinaryong manggagawa ng bayan ay dapat bigyan natin ng sapat na atensyon. Dehado sila sa mga lansangan ng bayan, kahit pa mamasahe o mag bike o mag motorsiklo pa sila. Kailangan nating makalapat ng pro-poor transport programs sa bayan para sa ordinaryong manggagawa, na siyang gulugod ng ating ekonomiya.
Makikita sa transportasyon kapanalig, kung tunay nating nauunawaan ang problema ng kahirapan sa ating bayan. Makikita sa transportasyon kapanalig, kung saan tunay na naka-kiling ang lipunan. Sa pagpapabaya ng pamahalaan sa transportasyon sa maralita, mas nakikita na pabor ang lipunan sa mas nakakaluwag, hindi sa mahirap. Walang espasyo para sa mahirap ang lansangan ng ating mga siyudad. Malayo tayo sa gabay ng panlipunang turo ng Simbahan. Ayon nga sa Economic Justice for All: The way society responds to the needs of the poor through its public policies is the litmus test of its justice or injustice.
Sumainyo ang Katotohanan.