239 total views
Mga Kapanalig, ilang araw lamang matapos ang Pasko ng Muling Pagkabuhay, isang hindi magandang regalo ang natanggap ng mga manggagawang nagtatrabaho sa Kamaynilaan at umuuwi sa mga karatig-probinsya matapos ang isang araw ng pagbabanat ng buto.
Miyerkules noong isang linggo nang sinimulang ipatupad ang window hours para sa mga provincial buses. Mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga kinabukasan na lamang maaaring pumasok ang mga bus sa National Capital Region (o NCR), kahit ang mga bus na mayroong terminal sa EDSA. Walang nagawa ang mga kompanya ng bus kundi baguhin ang oras ng kanilang mga biyahe alinsunod sa bagong patakaran.
Nagdulot ng kalituhan at abala ang biglaang pagpapatupad ng window hours. Ang mga may trabaho hanggang alas-6 ng hapon, halimbawa, ay kailangan pang maghintay ng alas-10 ng gabi upang makasakay ng provincial bus at makauwi. Lalong hindi ito pabor sa mga panggabi ang trabaho.
Paliwanag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (o LTFRB), hindi sila bahagi ng bagong window hours scheme. Ipinatutupad daw ito ng Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA). Ngunit kinakailangan pa rin daw sundin ng mga provincial bus companies ang bagong utos ng MMDA. Paglilinaw pa nila, hindi lang naman daw magagamit ng mga bus companies ang kanilang pribadong terminal ngunit dapat lang nilang ibaba ang mga pasahero sa mga integrated terminal exchanges batay sa kanilang ruta.
Halimbawa, para sa mga bus papunta at mula sa Timog Katagalugan katulad ng Cavite, Laguna, at Batangas, maaari silang magsakay at magbaba sa Parañaque Intergrated Terminal Exchange. Para naman sa mga papunta at magmumula sa norte, gagamitin daw ang Northern Luzon Express Terminal, at ang Santa Rosa Integrated Terminal para sa mga papunta at magmumula sa Visayas at Mindanao.
Ngunit mabigat sa bulsa kung sasakay ang mga pasahero ng taxi o kaya’y kukuha ng mga ride-sharing services mula o papunta sa mga terminal na ito. Sa mismong araw ng pagsisimula ng implementasyon ng window hours, may mga pasaherong nagsabing umabot sa limandaan hanggang sanlibong piso ang gastos nila sa pagbiyahe mula Cubao hanggang Bulacan kung saan naroroon ang Northern Luzon Express Terminal.
Malaki ang papel ng transportasyon sa kalidad ng buhay tao, lalo na sa mga nasa lungsod kung saan matatagpuan ang maraming trabaho. Sinabi ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si’, nagdudulot ng paghihirap ang kawalan ng maayos na sistema ng transportasyon. Nagtutulak ito sa mga taong piliing magkaroon ng sariling sasakyan na sa halip na makatulong ay lalo pang nakakapagpalalâ ng daloy ng trapiko. Sa Metro Manila nga, tinatayang hanggang 53% ng mga sasakyang dumadaan sa mga kalye rito ay mga pribadong sasakyan.
Dagdag pa ng Santo Papa, hindi sapat ang paggawa ng mga kalsada at paradahang hindi naman tumutugon sa pangangailangang bigyang prayoridad ang pampublikong transportasyon. Ang isang siyudad na siksikan, nagdudulot ng abala sa mga tao, walang maayos at ligtas na transportasyon ay isang lugar kung saan hindi naiaangat ang dignidad ng tao. Matapos ang dalawang taóng lockdown dulot ng pandemya, bigo pa rin ang pamahaalang lutasin ang problema sa trapiko at transportasyon sa ating bansa. Umutang pa tayo ng bilyun-bilyong piso para sa ibinabanderang Build, Build, Build program, ngunit para kanino nga ba ang ipinatayong mga kalsada at expressway? Nakikinabang ba rito ang mga umaasa sa pampublikong transportasyon katulad ng provincial buses?
Mga Kapanalig, ngayong eleksyon, pipili tayong muli ng mga lider ng ating bansa. Piliin natin ang nakauunawa sa hirap na nararasanan ng mga karaniwang Pilipino makarating lamang sa kanilang trabaho at makauwi sa kanilang pamilya araw-araw. Piliin natin ang mga lider na, gaya ng inilalarawan sa Filipos 2:4, hinahanap ang ikabubuti ng mga tao.
Sumainyo ang katotohanan.