251 total views
Mga Kapanalig, nananatiling malaking problema rito sa Metro Manila ang matinding trapik. Hindi rin nakatutulong ang mga tren na siksikan tuwing rush hour at madalas na nasisiraan. Bagamat tinatangkilik ng mas nakararami ang mga bus at jeep, nangangamba naman ang mga mananakay sa kanilang kaligtasan. Mabilis din namang mapuno ang mga van na may aircon ngunit hindi naman siyento porsyentong ligtas sa mga holdaper. Ang mga taxi drivers naman, inirereklamo ng marami na mapili at nanghihingi ng dagdag sa pamasahe. Ito ang araw-araw na hirap na kinakaharap ng mga mananakay sa Metro Manila.
Dahil dito, may mga commuters na tumatangkilik sa tinatawag na transport network vehicle services o TNVS tulad ng Uber at Grab. Sa pamamagitan ng smartphone application at internet, ang isang mananakay ay makakukuha ng sasakyang susundo at maghahatid sa kanya. Marami sa mga tumatangkilik sa TNVS ang nagsasabing bagamat may kamahalan, mas maginhawa at ligtas ang kanilang pakiramdam sa pagbibiyahe kumpara kung sasakay sila ng taxi o magpapalipat-lipat ng jeep. Hindi sila tinatanggihan, kinokontrata, o hinihingian ng dagdag na bayad kapag mabigat ang daloy ng trapiko.
Ngunit para sa Land Tansportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, kailangang sumunod ng mga transport network companies gaya ng Uber at Grab sa mga regulasyong sumasaklaw sa mga pampublikong transportasyon. Kailangan daw ito upang matiyak ang pananagutan ng mga operators at drivers sakaling masangkot sila sa aksidente at upang mabuwisan ang mga ito nang tama dahil tumatanggap sila ng bayad para sa kanilang serbisyo. Mula Hulyo noong nakaraang taon, hindi na muna tumanggap ang LTFRB ng mga bagong aplikasyon para sa mga may-ari ng sasakyang nais mag-operate sa ilalim ng Uber o Grab. Lumipas ang isang taon at natuklasan ng LTFRB na halos 50,000 TNVS units ang pumasada nang walang permit o colorum, kaya’t pinagmulta nito ang Uber at Grab ng 5 milyong piso. Sinuspinde rin ng LTFRB ang operasyon ng dalawang kumpanya ngunit nagsumite ang mga ito ng motions for reconsideration kaya’t nagpapatuloy ang pagbiyahe ng kanilang mga drivers.
Pinatingkad ng isyung ito tungkol sa TNVS ang kakulangan ng kahandaan ng pamahalaan para sa isang teknolohiyang nagbibigay ng alternatibo sa hindi pa rin maayos-ayos na sistema ng transportasyon sa ating mga lungsod, lalo na rito sa Metro Manila. Hindi natin masisi ang mga kababayan natin tumatangkilik sa mga ito upang makabyahe nang ligtas at mas mabilis. Sa kabilang banda, hindi dapat gamitin ang pangangailangang ito ng mga mananakay para lamang makapagnegosyo at sa kalauna’y makadagdag sa libu-libong sasakyang nagsisiksikan sa ating mga lansangan.
Sa kaibuturan ng isyung ito ay ang pagbaba ng kalidad ng buhay ng tao sa mga lungsod. Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, ipinahihiwatig ng kawalan ng maayos at ligtas na pampublikong transportasyon, kasabay ng nakasusulasok na polusyon sa hangin at nakabibinging ingay sa kapaligiran, ang hindi maayos na paglaki at paglawak ng mga lungsod.[1]
Dagdag pa ng Santo Papa, sanhi rin ang “car culture” ng paglala ng trapik at polusyon sa ating mga siyudad dahil marami ang gusto ng maginhawang paglalakbay, habang nagtitiis ang mga walang kakayanang bumili ng sariling kotse sa mga pampublikong transportasyon. Kaya naman, kasama ang Santa Iglesia sa mga nananawagan para sa pagpaplano ng ating mga lungsod, isang pagsasaayos na isinasaalang-alang ang kalikasan at ang kalidad ng buhay ng tao, at kasama rito ang pagkakaroon ng mass transportation system na ligtas, maginhawa, at para sa lahat, mayaman man o mahirap, may smartphone man o wala.
Nawa’y hindi lamang tutukan ng pamahalaan ang regulasyon ng mga TNVS at pagpapataw ng multa sa mga lumalabag sa patakaran. Sa kabilang banda, maging hamon din nawa ang pagsikat ng TNVS upang pagbutihin ng mga operators at drivers ng mga jeep at taxi—mga sasakyang tinatangkilik pa rin ng mas nakararami—ang kanilang serbisyo.
Sumainyo ang katotohanan.
[1] Laudato Si’ #44. “Nowadays, for example, we are conscious of the disproportionate and unruly growth of many cities, which have become unhealthy to live in, not only because of pollution caused by toxic emissions but also as a result of urban chaos, poor transportation, and visual pollution and noise.”