191 total views
Hindi lamang sa Quiapo Maynila magaganap ang Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ngayong taon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng St. John the Baptist Church o Minor Basilica of Black Nazarene, magaganap din ito sa Cagayan De Oro, Tagum City sa Davao at sa Catarman Northern Samar sa mismong araw ng Kapistahan, Enero 9, 2017.
Paliwanag ng pari, gagawin ito para hindi na bumiyahe pa ng malayo ang mga deboto ng Nazareno na nasa Mindanao para lamang makibahagi sa Traslacion.
“Ngayong taon, hindi lang dito sa Quiapo magaganap ang Traslacion, merun din sa Cagayan, and first time sa Tagum then meron din sa Catarman Northern Samar. Layunin nito para di na kailangang bumiyahe yung mga nasa Mindanao, so nag-oorganisa na rin sila ng preparation nila para sa traslacion, kasabay sila sa Quiapo,” pahayag ni Fr. Badong sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, naniniwala si Fr. Badong na malaki na ang ipinagbago ng mga sumasama sa Traslacion dahil disiplinado na sila maliban pa sa boluntaryong tumutulong para sa maayos na Traslacion at hindi ang makahawak lamang sa andas.
“Nagkakaroon na ng pagbabago sa mga nasa Quaipo na uma-attend ng retreat nakikitaan sila na pagnanais na maisaayos ang kanilang buhay, nabibigay ang kanilang share, nababawasan yung mga iniisip lang makahawak sa andas, yung iba willing talaga ang tumulong para maayos ang Traslacion, kaya kami sa Simbahan nagpapasalamat kami,” ayon pa sa pari.
Una ng inihayag ng St. John De Baptist Church o na i-Facebook live ang Traslacion 2017 na may temang ‘Pag-ibig ang Buklod ng Ganap na Pagkakaisa’.
Ayon kay Fr. Douglas Badong parochial vicar ng Quiapo church ito ay upang mapanood at makaisa sa pagdiriwang ang mga mananampalataya na hindi makakapunta sa kapistahan lalu na ang mga nasa ibang bansa.
Nanawagan din ang pari sa mga mananampalataya na ipagdasal ang kapistahan para sa kaligtasan ng lahat ng makikiisa sa Traslacion.
Isang Misa rin ang gaganapin sa Quirino Grandstand na pamumunuan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, alas-12 ng hatinggabi bisperas ng pista bago magsimula ang prusisyon pabalik ng imahe ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo Church.
Karaniwang umaabot ng 12 oras ang prusisyon, bagama’t noong 2012 ay naitala ang pinakamatagal na prusisyon na umabot ng 22 oras.