2,329 total views
Inanunsyo ng grupo ng mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Davao City na muling ibabalik ang lahat ng gawain tuwing kapistahan sa January 9.
Ito ang pahayag ng Davao Nazareno kasunod ng pagluwag ng mga panuntunan sa COVID-19 sa kabila ng naitatalang kaso ng karamdaman sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“As the situation here in our city has slowly returned to pre-pandemic levels, we are announcing that the face-to-face activities including the foot procession will return in this year’s Traslacion festivities here in our city,” pahayag ng grupo na ipinadala sa Radio Veritas.
Nagagalak ang mga deboto na muling maipagdiwang ng sama-sama kapistahan ng Poon na dalawang taong ipinagpaliban dahil sa pandemya.
Ito rin ang tugon ng kanilang grupo sa panawagan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na makiisa ang mga simbahan sa bansa sa pagdiriwang ng Nazareno 2023 upang mabawasan ang mga debotong dadalaw sa dambana sa Quiapo.
Ibinahagi rin ng grupo na ang official replica image ng Poong Nazareno ay pormal nang idadambana sa Our Lady of Peñafrancia GKK Chapel sa Buhanginan Davao City sa ilalim ng pangangasiwa ng San Alfonso Maria de Liguori Parish.
Umaasa ang grupo na ang pagbabalik sa pisikal na gawain ng Traslacion sa Archdiocese of Davao ay makatutulong sa misyon ng simbahan lalo na ang paglingap sa higit nangangailangan.
“The devotees of the Black Nazarene here in the Archdiocese of Davao are hoping that with the smooth return of all face-to-face activities we will be able to spread the love and mercy of the Risen Lord, the Nazareno, to all Catholic faithful in our city as they are facing new challenges brought by complex geopolitical and economic situations,” saad ng grupo.
Ang pista ng Poong Nazareno ang isa sa tanyag at malaking kapistahan sa Pilipinas na karaniwang dinadaluhan ng 20 milyong deboto mula sa iba’t ibang panig ng bansa.