31,799 total views
Inaanyayahan ng grupo ng mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Davao City ang mananampalataya na makiisa sa ikasiyam na taong pagdiriwang ng kapistahan sa Enero.
Ibinahagi ng Davao Nazareno ang mga gawain bilang paghahanda sa kapistahan gayundin ang pakikiisa sa mga banal na gawaing magpaparangal at magpupuri sa Panginoong Hesus.
“Giawhag ang tanang mga Dabawenyo ug ang tanang mga Katolikong Kristyano sa mga nagkalain-laing siyudad ug lunsod sa Mindanao nga moapil sa pagsaulog sa kapistahan sa Poong Jesus Nazareno isip paagi sa pagpalig-on sa ilang pagtoo ug pagsalig ngadto sa Ginoo ug isip inspirasyon sa pagatubang sa mga hagit sa kinabuhi,” mensahe ng Davao Nazareno.
[Inaanyayahan ang lahat ng Dabawenyo at Katolikong Kristiyano sa iba’t ibang lunsod at bayan ng Mindanao na makiisa sa pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Jesus Nazareno bilang paraan ng higit na pagpapatibay sa pananampalataya sa Diyos na insipirasyon at gabay sa pagharap ng mga hamonng buhay]
2015 nang pinagkalooban ang Archdiocese of Davao ng replica image ng Nuesto Padre Jesus Nazareno mula sa Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene bilang pagpapalawak sa debosyon ng Poong Nazareno sa iba’t ibang panig ng bansa at daigdig.
Inilagak ang imahe ng Poong Jesus Nazareno sa Our Lady of Peñafrancia GKK Chapel sa DECA Homes Esperanza Tigatto, Buhangin, Davao City na sakop ng San Alfonso Maria de Liguori Parish.
Sisimulan ng grupo ang mga gawain ng kapistahan sa December 31, 2023 sa nakaugaliang ‘Pabihis’ o pagpapalit ng kasuotan ng poon sa alas tres ng hapon na susundan ng Misa Nobenaryo sa ikaanim ng gabi.
Isasagawa ang misa nobenaryo sa Our Lady of Peñafrancia GKK Chapel sa December 31 hanggang January 5, 2024 habang sa January 6 hanggang 8 ay isasagawa ito sa San Alfonso Maria de Liguori Parish.
Sa araw ng kapistahan sa January 9 isasagawa ang Traslacion ng Poong Jesus Nazareno sa alas otso ng umaga mula sa parokya pabalik sa kanyang dambana sa Our Lady of Peñafrancia GKK Chapel na susundan ng Fiesta Mass sa ika – 10 ng umaga at ikaanim ng hapon.
Samantala patuloy din ang paghahanda ng Quiapo Church sa nalalapit na kapistahan kung saan nitong December 16 ay nagsagawa ng ‘walkthrough’ sa rutang dadaanan ng prusisyon sa Nazareno 2024 sa January 9.
Ang kapistahan sa traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang isa sa pinakamalaking pista sa Pilipinas na dinadaluhan ng humigit kumulang 20-milyong mananampalataya.