454 total views
Bagama’t walang magaganap na prusisyon mula sa Luneta hanggang sa simbahan ng Quiapo mas malawak na pagdiriwang ang gaganapin sa malaking bahagi ng bansa para sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno ngayong taon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene, maraming mga parokya hindi lamang sa Maynila ang makikiisa sa sabayang pagdiriwang ng Traslacion upang maipabatid sa mananampalataya ang mensahe ng Poong Hesus Nazareno.
“Mula Batanes hanggang Mindanao simultaneous, sabay-sabay na magdiriwang ng kapistahan. Sa ibang mga lugar na pinayagan ng mga local government mayroong magaganap na prusisyon at pagmomotorcade,” ayon kay Fr. Badong sa programang Barangay Simbayanan.
Ang pahayag ni Fr. Badong ay kaugnay na rin sa ‘localized traslacion’ lalu’t nanatiling banta ang pandemya sa kaligtasan ng mga deboto.
“Mayroon tayong mga 14 replica na yearly nagta-Traslacion halimbawa Cagayan de Oro, Batanes, Catarman, Nueva Vizcaya, Iligan, Puerto Princesa at marami pa ‘yun January 9 nagkakaroon ng ng Traslacion. Ngayon mas pinarami pa kasi bawat probinsya, bawat Parokya ay nag-signify naman na sasabay sila sa January 9,” dagdag pa ng pari.
Tinatayang aabot sa 20 milyon ang mga deboto na dumadalo sa taunang traslacion sa simbahan ng Quaipo.
Ayon pa sa pari, ilang mga lalawigan pinayagan ng lokal na pamahalaan magsagawa ng motorcade sa araw ng kapistahan o sa Sabado ika-9 Enero.
Kasabay rin ng pagdiriwang ng pista, inanunsyo na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagsasara ng ilang kalye malapit sa Quiapo dahil sa inaasahan pa ring pagdalo sa misa ng mga deboto.
Ayon pa kay Fr. Badong, “So hindi makakalabas ng Quiapo pero mas maraming Nazareno ang lalabas ngayon para ihatid ang mensahe. Maganda ang tema ngayon e “Huwag matakot, si Hesus ito”. So ang Nazareno, yung mga images sa iba’t ibang lugar maghahatid ng mensahe para talagang bumangon tayo dito sa pandemyang ito.”
Ang Plaza Miranda, Carriedo, Villalobos at Hidalgo ay inilaan ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga magsisimba upang maipatupad ang physical distancing lalu’t limitado lamang ang maaring makapasok sa simbahan.