291 total views
I-aalay ng Archdiocese of Cagayan de Oro para sa kapayapaan sa buong Mindanao ang isasagawang Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa lalawigan.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma nawa ay magbunga ng mas malawak na pag-unawa sa bawat mamamayan sa Mindanao ang debosyon sa Poong Hesus Nazareno upang masilayan na ng rehiyon ang matagal ng hangad na kapayapaan at pagkakaisa.
“Inaasahan natin na sa pamamagitan nitong debosyon ay magkakaroon tayo ng unawa, talino at kapayapaan sa Mindanao at ito din ang indikasyon sa ating lahat na nakikiisa tayo sa ating panalangin at ang inaasahan nating pagsikat ng kapayapaan sa Mindanao…” pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Arsobispo, nagsimula ang malalim na debosyon at pagsasagawa rin ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Cagayan de Oro 7-taon na ang nakalilipas matapos na ipagkaloob ng Quiapo Church sa arkidiyosesis ang pangalawang replika ng imahen na agad nakahimok ng malawak na debosyon mula sa mga mananampalataya.
Dagdag pa ni Archbishop Ledesma ang debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ay hindi lamang sumisimbolo sa personal na pakikiisa ng mga deboto sa sakripisyo ni Hesus kundi maging sa paghihirap ng ating mga kababayan sa buong Mindanao.
“Nagsimula ito mga 7 taon sapagkat binigyan kami ng replica ng Black Nazarene ng Quiapo Church so mukhang ito rin ang pangalawang replica ng imahen ng Black Nazarene at ito ang pag-imbita ng debosyon dito sa Black Nazarene. Ang ibig sabihin na itong Black Nazarene devotion ay nakikiisa tayo sa sakripisyo ni Hesus dahil sa ating lahat at ito rin ang isang indikasyon na ating pakikiisa sa mga suffering dito sa atin at sa iba pang lugar sa Mindanao.” Dagdag pa ni Archbishop Ledesma.
Ngayong taon, tinatayang aabot sa 120,000 ang mga deboto na makikiisa sa ika-8 Traslacion sa Archdiocese of Cagayan de Oro na kauna-unahang pinahintulutan ng Quiapo Church na magsagawa ng kaparehong prusesyon ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Magsimula ang Traslacion sa St. Agustine Metropolitan Cathedral sa Cagayan de Oro ganap na 5:00 ng umaga at magtatapos sa Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene.