3,711 total views
Inilunsad ng Archdiocese of Manila ang Traslacion Roadmap na magiging gabay sa patuloy na paglilingkod sa kristiyanong pamayanan.
Sa ginanap na Chrism Mass ng arkidiyosesis sa Manila Cathedral nitong Huwebes Santo binigyang diin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang reporma sa simbahan alinsunod sa panawagang synodality ng Santo Papa Francisco.
Ipinaliwanag ng Cardinal na ang Traslacion Roadmap ang tutulong sa bawat lingkod ng arkidiyosesis upang higit maisakatuparan ang misyon sa kristiyanong pamayanan.
“Sa araw na ito inilulunsad natin ang ‘Traslacion RCAM Roadmap’ ito ang mapang gagabay sa ating paglalakbay sa mga susunod na taon. Ito ay ang mga konkretong layunin at gawain para tulungan tayo sa mabuti at maayos na pamamahala at paglilingkod.” mensahe ni Cardinal Advincula.
Ayon kay EDSA Shrine Rector at RCAM Public Affairs Ministry Commissioner Fr. Jerome Secillano, ang roadmap na binanggit ng cardinal ay naglalayong tulungan ang simbahan ng Maynila sa mga pagbabagong gagawin upang maisaayos at mapabuti ang paglilingkod sa mahigit tatlong milyong mananampalataya.
“We have to go back to the initial message na ang buod talaga ay renewal ng simbahan, itong roadmap ay ginawa para sa pagkakaroon ng reform o renewal ang Archdiocese of Manila.” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Sinabi ni Cardinal Advincula na ipaliliwanag sa mga susunod na araw sa mga parokya ang mga hakbang na gagawin para sa reporma ng simbahan batay na rin sa naging resulta ng isinagawang pakikipagpulong sa pamayanan sa ginanap na synod on synodality.
Iginiit ng arsobispo na palalawakin ang pakikinig at pakikipag-ugnayan sa nasasakupan bilang pagsasabuhay sa synodal church.
“We must not only engage in conversations. But also in conversions of structures and systems of policies and strategies to be suitably channeled for the evangelization of today’s world. Listening is just the beginning, walking together, and working together for a better future of the church,” ani Cardinal Advincula.
Hinimok ni Cardinal Advincula ang bawat isa na makilakbay tungo sa mga pagbabagong gagawin para sa kabutihan ng sambayanan ng RCAM na binubuo ng mga lunsod ng Manila, Mandaluyong, Makati, Pasay, at San Juan.
“I invite everyone to participate and walk with our Mahal na Poong Hesus Nazareno the focal image of the church in Manila in his ‘Traslacion’ to the different cities of our archdiocese. Let us allow Him to renew our parishes, school, ministries, and apostolates. Let the ‘Traslacion’ R-Cam roadmap help us to translate our ‘salamat’ and ‘sana’ into concrete actions and strategic directions,” giit ng cardinal.
Kasabay ng Chrism Mass ang renewal of vows ng mga pari ng arkidiyosesis gayundin ang pagbabasbas sa mga langis na ginagamit sa mga sakramento ng simbahan.
Kinilala rin ng RCAM ang mga paring naglingkod ng 25 taon, 50 taon at maging ang mga nagpatuloy sa misyon ng mahigit sa anim na dekada ng kanilang bokasyon sa pagiging pari.