580 total views
Maglulunsad ng tree planting activity ang Palawan bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-400 anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa lalawigan.
Ayon kay Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, layunin ng proyekto na hikayatin ang mga mananampalataya na ipakita ang pagiging mabubuting katiwala ng kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim ng 400-punong-kahoy sa bawat parokya sa palawan.
Binubuo ng 64 na mga parokya at mission stations ang dalawang Apostoliko Bikaryato ng palawan kaya inaasahang makakalikha ito ng higit sa 25,000 punongkahoy na tiyak na makakatulong sa kalikasan.
“Sa ating pagdiriwang ng ika-400 na anibersaryo ng pagdating ng kristiyanong pananampalataya sa Palawan, [magtatanim] ang bawat parokya ng 400 na puno, ang ating ambag sa inang kalikasan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa kanyang pastoral letter.
Katuwang dito ng Apostolic Vicariate ng Taytay ang Apostolic Vicariate ng Puerto Princesa na pinamumunuan ni Bishop Socrates Mesiona.
Samantala, iginiit naman ni Bishop Pabillo na siya ring chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Office on Stewardship na hamon sa bawat mananampalataya ang pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha.
Sapagkat paliwanag ng obispo na nais ng Diyos na higit pang pagyamanin ang mga biyayang ipinagkaloob sa sangkatauhan.
“Bilang mabubuting katiwala, pinalalago natin ang mga biyaya Niya – hindi lang para sa ating sarili kun’di para din sa iba, kasi ang binibiyayaan ay pinagkalooban ng tungkulin na bahaginan din ang iba,” ayon kay Bishop Pabillo.
Nauna nang sinabi ni Bishop Pabillo sa kanyang liham pastoral para sa Season of Creation na mahalagang pagyamanin at panatilihin ang mga likas na yamang likha ng Diyos upang patuloy na mapakinabangan ng kasalukuyan at susunod pang henerasyon.