525 total views
Inilunsad ng Marriage Encounter Foundation of the Philippines (MEFP) ang Tree Planting Project sa Amparo Village Nature’s Park sa Caloocan City bilang tugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ensiklikal na Laudato Si’.
Pinangunahan ito ng ME Buklod 1 Community sa pamumuno nina Bro. Jun at Sis. Aida Albino, katuwang ang Laudato Si’ Committee sa pangangasiwa nina Bro. Pheng at Sis. Arlene Donarber.
Ayon kay Albino, malaki ang naitulong ng proyekto sa paghubog ng kanilang kaalaman upang matugunan ang mga suliraning pangkalikasan.
“Nawa dito sa aming naumpisahan lalong-lalo na ang aming community, ito’y magsilbing isang halimbawa. Makita ng iba upang masundan at higit sa lahat ay maging isang halimbawa na makatulong kung paano iingatan at aalagaan ang ating inang kalikasan,” pahayag ni Sis. Aida Albino sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala sinabi naman ni Laudato Si’ Committee member Atty. Aileen Torre, na ang proyekto ng MEFP ay nakatulong para pagbuklurin ang komunidad tungo sa pangangalaga ng kalikasan.
“Nakakatulong ito sa aming community kasi nagkakaroon kami ng pagkakaisa at pagkakabuklod-buklod sa iisang hangarin, which is the protection of the environment,” saad ni Torre.
Dumalo rin sa pagtitipon si MEFP President Robert Aventajado kung saan iginiit ang kahalagahan ng ecological conversion na panawagan ng Santo Papa tungo sa pagpapalaganap ng wastong pangangalaga ng nag-iisang tahanan.
“‘Yung pagbabago ng lifestyle, hindi lamang sa pagtatanim ng puno; ibig sabihin umpisa sa bahay mo, sa sarili mo, ‘yung pag-uugali, kung paano ka kumikilos [ay] palaging nasa puso mo. Nasa dibdib mo ang pagprotekta ng planeta,” ayon kay Aventajado.
Aabot sa 4,000 tree seedlings ang ipinamahagi ng Department of Environment and Natural Resources upang maisakatuparan ang proyekto.
Samantala, nagpaabot ng pagbati at pasasalamat si MEFP Bishop Protector, Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr., sa inisyatibong pagtatanim ng mga puno na nagpamalas ng konkretong halimbawa upang mapangalagaan ang kapaligiran.
“I know, it is your response to the call of Pope Francis sa Laudato Si’ initiative to take care of our single home. Kaya nga po ako’y nagpapasalamat at nagsasabi sa inyong congratulations because I know, ito ang simula and you will be living witnesses of our being stewards of the creation that our creator entrusted to us,” ani Bishop Maralit.
Sa mensahe naman ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines incoming President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sinabi nito na kinakailangan ng daigdig ang sama-samang pagkilos upang mailigtas ang kalikasan laban sa tuluyang pagkasira alang-alang sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“We have to unite ourselves in saving our planet. Wala hong alternative planet. Walang planet B, you know. And at the rate that we are destroying our planet, you know, we’re really accountable to the next generation for the injustice that we are committing,” ayon kay Bishop David.
Ang MEFP ay samahan ng mga mag-asawa sa Pilipinas na kinabibilangan ng 86 na grupo na may tinatayang 500-libong couple members sa buong bansa.
Suportado naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang proyekto ng grupo hinggil sa pangangalaga ng kalikasan.
Tiniyak rin ni Malapitan na patuloy itong susuporta at tutugon sa mga programa at proyekto ng simbahan.