308 total views
Homiliya para sa Huwebes Pagkatapos ng Miyerkules ng Abo, 03 Marso 2022, Lukas 9:22-25
Akmang-akma sa sitwasyon natin ngayon ang mga pagbasa dahil dalawang buwan na lang, eleksyon na.
Ang salitang “eleksyon” ay galing sa Latin na ELIGERE, ELECTIO, na ang ibig sabihin ay PUMILI, PAGPILI. Ito ang sinasabi ni Moises sa ating unang pagbasa sa paalala niya sa bayang Israel bago sila pumasok sa Lupang Pangako: “Ang naghihintay bang buhay sa inyo sa Lupang Pangako ay kasaganaan at kaligayahan, o kabiguan at kamatayan? Ang sagot sa tanong ay sa inyo nakasalalay,” Wika niya. Sa ibang salita, “Kayo ang pipili; hindi ko ipipilit ang kalooban ko sa inyo. Ngunit lagi kong ituturo sa inyo kung ano ang totoong maghahatid sa inyo ng kaligayahan at pagpapala.”
Noong estudyante pa ako, sa lahat ng klase ng eksam, sa TRUE or FALSE ako pinakamaingat. Hindi kasi ito katulad ng “multiple choice” o “fill in the blanks” kung saan marami kang pagpipilian na sagot. Sa TRUE or FALSE, dalawa lang. Walang in-between. Madaling gawin kung laro lang ito. Mahirap kung sa totoong buhay na, lalo na kung ang gagawing desisyon ay may kinalaman sa magiging kinabukasan mo.
Minsan, ang nagtatanong sa iyo ay may masamang balak. Hindi ba merong talinghaga tungkol sa isang salbaheng bata na nakahuli ng isang munting ibong pipit, at nagtanong sa lolo niya: “Lolo, mahuhulaan ba ninyo kung itong ibon sa kamay ko ay buhay o patay?“
Hindi daw sumagot ng oo o hindi ang lolo. Sa halip, ganito ang sagot niya, “Depende sa iyo.” Ibig sabihin, ang sagot sa tanong mo ay “nasa iyong kamay”. Nasa kanya ang desisyon kung palalayain ba niya ang ibon o pipisilin niya para mamatay.
Ganoon din ang sinasabi ng Diyos sa atin. Tayo ba ay pipili nang tama o mali sa iboboto natin? Ang sagot ay depende rin sa atin. Kahit anong dasal ang gawin natin, hindi ito babagsak mula sa langit. Tayo ang gagawa nito, dahil hindi naman ang Diyos kundi tayo ang boboto, tayo ang pipili sa mga kandidato. Kaya kapag mali ang ating pinili at ito ay nagdulot ng pagkawasak sa atin bansa, ano ang karapatan nating sumbatan ang Diyos?
Syempre, laging nasa huli ang pagsisisi, lalo’t kapag nagpadalos-dalos tayo sa pagsagot. Sumagot ka ng TRUE, gayong FALSE pala? Sa totoo lang, maraming beses alam mo namang FALSE ang dapat isagot, pero dahil ang lakas ng naririnig mong bulungan sa mga classmates mo na mahilig mangopya sa test, nagduda ka. TRUE daw ang sagot, at napasunod ka naman. Ganyan kung tumrabaho ang dimonyo. Praktisado na siya. Ginawa na niya iyan sa tao.
Sa simula pa lang sa Paraiso, tinest na nya sina Adan at Eba. TRUE or FALSE? “Madamot ang Diyos. Ipinagbabawal niya ang kumain ng alinman sa mga prutas ng mga halaman sa paraiso.” Sagot ng tao, FALSE. “Ang totoo ay ok lang na kumain ng kahit alin sa mga prutas sa paraiso, maliban sa bungangkahoy na ipinagbawal niya.” Kaya ang tamang sagot ay FALSE. Korek.
Follow-up TRUE or FALSE. “Binawal ng Diyos ang prutas na iyan dahil merong magic, magiging parang Diyos ka rin pagkinain mo.” Sagot ng TAO: “Hmm…Siguro TRUE, masubok nga.” Ang tamang sagot: FALSE. Bagsak tuloy siya.
Finally, ano ang dapat gawin para hindi tayo maloko, malinlang o magkamali ng desisyon? Sabi ni Hesus, huwag padalos-dalos. Ang panlaban kay Satanas ay ang krus. Walang shortcut papuntang Promise Land. Walang ibang daan kundi ang disyerto. Kaya nga tayo nagkukuwaresma. Ang daan patungong pagkabuhay ay kalbaryo. Para magsanay, magreview, magpractice. May time pa naman.
Minsan kasi, akala mo tagumpay ang idudulot sa iyo, iyun pala pagkabigo. Akala mo pakinabang ang ihahatid sa iyo, iyun pala pagkalugi. Ang daigdig laging nag-aalok ng panandaliang pakinabang na habambuhay mo namang pagsisisihan.
At kung minsan, masyado tayong takot bumagsak, dahil akala natin ang lahat ng pagbagsak ay pagkakamali at kabiguan. Kaya nga minsan ginamit ni Hesus ang talinghaga ng butil ng trigo. (Juan 12:24) Tutubo ba ang ang binhi kung hindi ito babagsak sa lupa? Kung dahil sa takot na bumagsak ang binhi pinili mong itabi na lang ito, meron ka bang aanihin pagdating ng panahon?
Kaya ang tanong, ang kahihinatnan ba ng Pilipinas pagkatapos ng eleksyon ay magiging madilim o maliwanag? Ang sagot ay nasa ating mga kamay.