213 total views
Ito ang paalala ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa alegasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon siyang dalawang asawa.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, hinamon ni Bishop Bacani ang pangulong Duterte na ilantad sa publiko ang dalawang babaeng kanyang naging asawa.
Ayon sa Obispo, nakahanda niyang ipangutang ang 10-milyong pisong pabuya na kanyang ibibigay kay pangulong Duterte para sa dalawang babaeng mai-produce o mailantad nito sa publiko na magpapatunay ng kanilang kaugnayan bilang mag-asawa.
“Unang-una saan nakuha ng presidente yun? Alam mo, kung makapag-produce ang presidente ng kahit na isang asawa ko, bibigyan ko siya ng limang milyong piso. Kahit mangutang ako, kung maka-produce siya ng dalawa, makaka-sampung milyon ang presidente natin,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Pinaalalahanan naman ni Bishop Bacani ang pangulong Duterte na maghunos-dili at huwag niyang lalabanan ang katotohanan sa pamamagitan ng kasinungalingan at paninira sa kapwa.
“Pero huwag naman niyang lalabanan ang katotohanan sa pamamagitan ng kasinungalingan at paninira ng kapwa. Maghunos-dili naman siya, presidente siya, hindi naman ordinaryong tsismoso.”paalala ng Obispo.
Pinayuhan pa ni Bishop Bacani ang punong ehekutibo na huwag niyang pababain ang tingin ng taongbayan sa presidente ng Pilipinas na naniniwala sa maling tsismis.
“Kapag ganyan, masyado niyang dini-degrade ang pagka-presidente, bumababa ang tingin ng tao sa presidente na tsismoso, mali pa ang tsismis at hindi pa totoo. Ang tagal nang maraming nag-aakusa sa akin ng mga iba-ibang bagay, pero pagkakaroon ng asawa, hindi pa ako inakusahan ni minsan.”paglilinaw ni Bishop Bacani sa programang Veritas Pilipinas.
Nagsimula ang akusasyon ng pangulong Duterte kay Bishop Bacani matapos kuwestiyunin ng Obispo ang tumataas na bilang ng “death under investigation” na umaabot na sa mahigit 4-libo kaugnay ng pina-igting na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Sinang-ayunan ni Bacani ang pahayag ni Senate president Aquilino Pimentel III na hindi statistics ang kailangan ng taong bayan kundi ang resulta ng imbestigasyon na may kinalaman sa mga kaso ng death under investigation sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nilinaw ng Obispo na ang pagsagip sa buhay ng mga nagkamali ang ginagawang pagpuna ng Simbahang Katolika sa mga polisiya ng Pangulong Duterte lalo na sa kampanya kontra iligal na droga.
Tiniyak ni Bishop Bacani na kaisa ng administrasyong Duterte ang Simbahang Katolika sa kampanya kontra iligal na droga at maling pamamaraan lamang ang kanilang tinututulan.
Ang Simbahan ay pinapahalagahan ang sagradong buhay ng tao sa pamamagitan ng pagbibigay ng panibagong pagkakataon sa mga nagkamali at nagkasala na magbagong buhay lalo sa pagtatayo ng mga drug rehab centers.
Read: http://www.veritas846.ph/drug-rehab-centers-ng-simbahan-kabilang-sa-mga-dadalawin-ng-wacom4-delegates/
http://www.veritas846.ph/nawawalang-espiritwalidad-dahil-sa-addiction-ibabalik-ng-simbahan/
http://www.veritas846.ph/kasama-drug-rehab-program-inilunsad-ng-diocese-bangued/
http://www.veritas846.ph/simbahan-bukas-ang-pintuan-sa-drug-dependents-cardinal-tagle/
http://www.veritas846.ph/simbahan-bukas-ang-pintuan-sa-drug-dependents-cardinal-tagle/