289 total views
World Water Day kahapon kapanalig, March 22. Naiisip mo ba kung gaano kahalaga ang tubig sa ating buhay? Naiisip mo ba na napaka-raming banta at hamon sa water supply sa ating bansa gayun din sa iba pang parte ng mundo?
Kapanalig, ang maling pag-gamit ng tubig, ang sobrang pag-gamit ng tubig, at polusyon ay mga pangunahing banta sa ating water supply.
Sa ating bahay, napapansin mo ba kung paano natin nasasayang ang tubig? Sa pagsipilyo, gumagamit ka ba ng baso? Sa paglalaba, pinapapa-apaw mo lang ba ang tubig sa batya? Ito ay ilan lamang sa mga maliit nating gawain kung saan laging nasasayang ang tubig. Inefficient at wasteful ang pag-gamit natin ng tubig. Sa Asya, ayon sa Asian Development Bank (ADB), 70% ng tubig ay ginagamit sa irigasyon pero marami rito ang nasasayang. Maraming nasasayang habang 260 milyong tao naman sa rehiyon ang walang access sa improved drinking water at 1.5 billion naman ang walang access sa sanitasyon.
Ang polusyon sa tubig, kapanalig, ay malaking hamon din sa atin. Ang Manila Bay ay isang ebidensya ng water pollution sa ating bansa. Basura at plastic ang makikita sa baybayin nito. Base sa pagsasaliksik ng Water Environment Partnership in Asia (WEPA), dahil sa water pollution, mga $1.3 billon ang nawawala sa ating bansa kada taon. Umaabot nga ng 58% ng mga tested groundwater ang kontaminado na ng coliform. Hindi tuloy nakakapagtaka na ang mga pangunahing sakit ng mga batang limang taon pababa ay diarrhea.
Kung walang pagbabago sa ating pag-gamit ng tubig, napipintong magkaroon ng water shortage sa ating bansa pagdating ng 2040. Ayon sa World Resources Institute, pang 57 sa 167 ang ating bansa na magiging most water stressed country pagdating ng 2040. Ang napipintong water shortage ay mas lalala dahil na rin sa climate change at lumalaking populasyon.
Kapanalig, malaking pagbabago ang hinihiling sa atin ng pagkakataon. Sa ngayon, hindi pa natin dama ang kakulangan sa tubig, ngunit nadadama na natin ang epekto ng polusyon nito. Buhay ang kapalit ng kapabayaan sa sitwasyon na ito.
Tayo ay stewards o tagapamalakaya ng kalikasan at lahat ng natural resources. Ito ay dakila at sagrado nating responsibilidad. Tayo ay nataasang guardians of nature, pero kung titingnan mo ang estado ng tubig sa ating bansa, tila mahina tayo sa pag-ganap ng mahalagang papel na ito.
Paalala ng Caritas in Veritate, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: Ang kalikasan ay biyaya ng Panginoon para sa lahat. Sa ating pag-gamit nito, may responsibilidad tayo sa maralita, sa darating na henerasyon, at sa buong sangkatauhan.
Sa kalikasan, kasama ang tubig, nakikita ng nanalig ang kamay ng Panginoon, na nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan. Kapag nakakalimot tayo na lahat ay mula sa Kanya, naabuso natin ang lahat ng nilikha. Ang kapabayaan sa kalikasan ay senyales ng ating pagkalayo sa Panginoon.