710 total views
Nanindigan si 1987 Constitutional framer, Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. na hindi mabisang tugon ang death penalty sa paglutas ng krimen sa bansa.
Ayon sa obispo dapat tutukan ng pamahalaan ang pagpapalakas ng sistemang pangkatarungan sa Pilipinas upang mapabilis ang proseso ng imbestigasyon at pagpapataw ng karampatang parusa sa mga lumalabag sa batas.
“Ang sangkatauhan natututo na hindi effective retribution o parusa ang death penalty, short term solution lang iyan; dapat husayan ang justice system, ang swiftness ng investigation para sa punishment,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Ito ang pahayag ng opisyal sa muling pagsusulong ng ilang mambabatas sa pagbabalik ng death penalty bilang capital punishment ng bansa.
Una nang inihain ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang House Bill 1543 na layong ibalik ang death penalty sa bansa sa mga karumaldumal na krimen kabilang na ang pandarambong.
Naniniwala ang mambabatas na ito ay mabisang paraan upang matakot ang tao na gumawa ng krimen at maging ‘retribution’ din ng mga biktima at kanilang pamilya.
Iginiit naman ni Bishop Bacani na ang mabisang ‘retribution’ ay ang pagpapataw ng kaukulang parusa at ang pagpapanibago ng mga nagkakasala sa lipunan.
“Ang pinakamagandang retribution ay kung napagaling at naturuang mapabuti ang taong gumawa ng masama,” saad ni Bishop Bacani.
Taong 2006 nang ipinawalang bisa ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo ang death penalty bilang capital punishment ng bansa.
Bagamat pinuri ni Bishop Bacani ang hangarin ng mga Pilipinong sumusuporta sa death penalty para sa kaligtasan at maiwasan ang krimen igniit nitong dapat matutuhan ng mamamayan ang paggalang sa dignidad ng tao.
“Kapuri-puri ang kanilang pagnanais na maligtas ang buhay at mapigilan ang krimen pero sikapin nating humanap ng pamamaraan na angkop sa dignidad ng tao at makapagpasulong sa pagmamahal, paggalang at pagliligtas sa buhay ng tao; yung education nating mga tao tungkol sa dangal ng buhay ang pangmatagalang solusyon,” ani ng obispo.
Sa kasalukuyan nasa 144 mga bansa na sa buong mundo ang hindi gumagamit ng death penalty bilang parusa sa mga nagkakasala sa batas.