11,685 total views
Mga Kapanalig, halos kalahati ng mga pamilyang Pilipino ay itinuturing na mahirap ang kanilang sarili.
Batay sa survey ng Social Weather Stations noong Setyembre, 48% o 13.2 milyong pamilya ang nagsabing mahirap sila. Sa bilang na ito, 6.6% o 1.8 milyon ang “newly poor” o nagsabing hindi sila mahirap nitong nakaraang isa hanggang apat na taon. Nasa 6.1% o 1.7 milyon naman ang “usually poor” o hindi mahirap nitong nakaraang lima at higit pang taon. Samantala, 35.3% o 9.7 milyon ang “always poor” o kailanman ay hindi naranasang maging hindi mahirap.
Tumaas ang bilang ng mga nagsabing pamilya na humirap sila ng halos 700,000 mula sa huling survey noong Hunyo. Karamihan sa kanila ay mula sa Mindanao kung saan tumaas sa 71% nitong Seytembre mula sa 54% noong Hunyo ang nagsabing mahirap sila. Tumaas din ang bilang ng mga pamilyang itinuturing ang sarili nilang mahirap sa ibang bahagi ng bansa, maliban sa Luzon na hindi kasama ang Metro Manila. Kasabay ng pagdami ng mga nagsabing mahirap sila ang pagtaas din ng bilang ng mga pamilya sa Mindanao na nagsabing “food poor” o hindi nakakakain ng sapat at masustansyang pagkain. Mula 40% noong Hunyo, tumaas ito sa 51%. Ibig sabihin, halos kalahati ng pamilya sa Mindanao ay nakaranas ng kahirapan sa pagkain. Bahagya namang bumaba ang bilang ng mga pamilyang nagsabing “food poor” sila sa ibang bahagi ng bansa.
Para kay National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balicasan, kailangang isaalang-alang na isinagawa ang survey matapos ang pananalanta ng mga bagyo sa bansa. Naapektuhan daw ng mga bagyo ang presyo ng mga bilihin at ang kakayahang bumili ng mga pamilyang direktang nasalanta . Dagdag pa niya, kumikilos ang pamahalaan para tugunan ang kahirapan sa bansa. Nariyan daw ang “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” na inilunsad kamakailan bilang flagship program ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. Sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (o DSWD), ang programang ito ay magbibigay ng tulong pinansiyal sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card. Gamit ang EBT, maaaring bumili ang mga benepisyaryo ng piling pagkain sa mga DSWD-registered o –accredited na tindahan. Kasalukuyan pang binubuo ang detalyadong panuntunan sa pagpapatupad ng programa.
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahang ang kahirapan ay problema ng kawalan ng katarungan. Bunga ang kahirapan ng hindi pantay na paglago sa lipunan at kawalan ng pagkilala sa karapatan ng bawat indibidwal na makisalo sa yamang ipinagkaloob ng Diyos para sa lahat. Sagabal ang kahirapan sa pagkakaroon ng mga tao ng buhay na may dignidad.
Sumasalamin sa matinding kawalan ng katarungan ang halos kalahati ng mga pamilyang itinuturing ang kanilang sariling mahirap. Dagdag pa rito ang katotohanang may mga lugar sa bansa na sadyang patuloy na naiiwan, kung saan mahigit kalahati ng mga pamilya ay nagsasabing wala silang sapat na pagkain. May bagyo o wala, pangunahing tungkulin ng pamahalaang tugunan ang kahirapan sa bansa. Bilang mga Kristiyano, tungkulin nating papanagutin ang pamahalaan sa responsabilidad na ito. Gawin din natin ang ating makakaya upang makatulong na ibsan ang kahirapan sa bansa.
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Santiago 2:17, “ang pananampalatayang walang kalakip ng gawa ay patay.” Sa gitna ng kahirapan at kagutuman ng ating kapwa, isabuhay natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng walang humpay na pananawagan sa pamahalaang agarang tugunan ang kahirapan sa bansa. Sa ating mga simpleng paraan naman, personal man o sa mga gawain natin sa Simbahan, nawa’y maging bukas-palad tayo sa mga kapatid nating kapus-palad.
Sumainyo ang katotohanan.